Bakit nakakaramdam ng kalungkutan ang tao?
- BULGAR
- Feb 6, 2023
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 6, 2023
Dear Maestro,
Ang problema ko ay ang aking sarili, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo.
Pagkatapos kasi ng New Year, napapansin ko na palagi akong malungkot at hindi ko alam kung bakit ako ganito.
Ano ang dapat kong gawin para ako ay sumaya at tuluyang mawala ang mga kalungkutan na nararamdaman ko ngayon, gayundin ang mga hinanakit ko sa buhay? March 2, 1995 ang birthday ko.
Umaasa,
Ken ng San Vicente, Angono, Rizal
Dear Ken,
Para mawala ang kalungkutan, dapat ay maging masaya. Para maging masaya, ang una mong dapat itanong sa iyong sarili ay, “Bakit ba ako nalulungkot at ano ba ang dahilan ng aking mga kalungkutan na nadarama ngayon?”
“Ako ba ay may karamdamang wala nang lunas, kaya ako nalulungkot?” Puwede ring, “Ako ba ay may gustong gawin o pangarap na hindi ko magawa, kaya ako nalulungkot?”
Maaari ring, “Ako ba ay walang kaibigan o bestfriend na makakuwentuhan o mapagsabihan ng aking mga problema, kaya ako nalulungkot?” “Ako ba ay walang achievement o natapos na gawin sa buhay na ito, kaya ako nalulungkot?”
At ang isa pang tanong na mahalaga sa lahat, kung saan marami sa atin ay ganito marahil ang sitwasyon, “Ako ba ay walang kapera-pera ngayon?”
Oo, kadalasan, kapag walang pera ang isang tao at wala pa siyang love life, gayung malapit na ang Valentine’s Day, tiyak na kukubabawan siya ng matinding kalungkutan sa buhay.
Kaya ‘yun nga, isipin mong mabuti kung ano-ano ang mga problema mo ngayon na nagbibigay sa iyo ng matinding kalungkutan.
Maaari ring ang tanong ay, “Gusto ko bang magpatuloy sa pag-aaral o gusto kong mag-aral muli, pero wala namang magpapaaral sa akin?” O kaya naman, “Ako ba’y may gustong bilhin, pero dahil sa kakulangan ng salapi ay hindi ko ito mabili, tulad ng latest model na cellphone, tablet o anumang luho sa buhay?” “Wala ba akong trabaho ngayon at umaasa lang sa mga magulang at kapatid?”
Tunay ngang may dahilan kaya nalulungkot ang isang tao, at ang unang susi upang lumigaya ay kailangang matuklasan mo ang dahilan ng iyong kalungkutan. Kapag kaya mong solusyunan, masosolusyunan mo ito at kung hindi mo naman kaya, maluwag mong tanggapin at ipagpasalamat sa Diyos, dahil sa totoo lang, ang kalungkutan naman ay palagi namang may kasunod na ligaya.
Halimbawa, wala kang trabaho kaya ka nalulungkot, ang solusyon ay maghanap ka ng trabaho.
Kung wala kang girlfriend o boyfriend, ang solusyon ay manligaw ka o makipagkaibigan ka sa kalalakihan at makisama sa iyong mga barkada at sosyalan.
Kung ikaw naman ay may malubhang karamdaman, ang solusyon upang kahit paano ay maibsan ang iyong kalungkutan, magbasa ka nang magbasa tungkol sa iyong sakit o ikaw na ang mag-research tungkol sa iyong karamdaman, upang matuklasan mo sa sarili mong paraan kung bakit nagkakasakit ang isang tao at kung paano gumagaling sa pamamagitan ng “faith” o malalim pananampalataya o ang hiwaga ng himala. Sa pamamagitan ng pananampalataya at himala, matutuklasan mo kung paano kusang lumalakas at sumisigla ang immune system upang labanan ang kahit na anumang uri ng karamdaman.
Ganu’n ‘yun! Kailangang maging maligaya dahil alam mong may gagawin ka pa sa mundong ito.
Ang isa sa mga ‘pet project’ o puwede ring sabihing ‘assignment mo sa mundo’ o mayroon kang personal na misyon sa buhay.
Ito ay papel o gawain na gusto mong matapos at gampanan bago ka bawian ng buhay.
Ang mga ito ay ang aktibidades na muling magpapasigla at magpapasaya sa iyo at magpapahaba ng iyong buhay.
Sa madaling salita, para mawala ang kalungkutan, kailangang may assignment ka sa iyong sarili na gustong-gusto mong magawa. Kapag nagawa mo ito, maliit man o malaki, tiyak na ang kasunod nito ay kaligayahan.
Tunay ngang kapag nagawa mo ‘yan, kapag may iniisip kang gawin o pagkakaabalahan at ‘pag natapos mo ito, bukod sa makakadama ka ng sense of achievement na ikaliligaya mo, ang ikinaganda pa nito, dahil may nagawa ka at marami kang nagagawa, hindi lang ikaw ang magiging maligaya dahil ikaliligaya rin ito ng mga kaibigan mo, gayundin ang iyong pamilya.




Comments