Bakit mas maganda ang transaksiyong aktuwal kaysa sa virtual?
- BULGAR
- Nov 22, 2021
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 20, 2021
Hindi mabibigla ang mahalagang gawain. Maaaring magmukhang mabagal at matagal, subalit sa paraang mahiwaga ngunit tiyak, paniguradong payayabungin ng Diyos ang mga bagay na gagawin sa ngalan Niya.
Ganito ang istorya ng pagsisikap ng mga unang misyunero. Hindi sila nagmamadali dahil hindi kailangang madaliin ang pagtatagpo ng dalawang magkaibang kultura: ang isa ay sa silangan at ang pangalawa naman ay sa kanluran. Paano magmamadaling magkaunawaan ang dalawang kulturang magtatagpo pa lamang sa kauna-unahang pagkakataon?
Kailangan munang maghulian ng loob ang mga kinatawan ng dalawang kultura para magkatanggapan sa kabila ng kawalan ng epektibong komunikasyon. Kaya’t isang napakahalagang prinsipyo ng gawaing misyunero ay ang pag-aaral ng wika at kultura.
Lumilitaw ang mahahalagang aral mula sa patuloy na LakaRun na naganap noong Miyerkules at Huwebes.
Unang aral, kakaiba pala ang epekto ng sama-samang paglalakad ng pari at ng kabataang nasasakupan niya. Mula Katedral sa ng Antipolo hanggang Simbahan ng Santa Rosa ng Lima; mula rito hanggang sa Simbahan ng San Ildefonso, sa Tanay, hindi tayo humiwalay sa kabataan. Magandang pagkakataon na makausap, mapakinggan at matuto sa kabataan habang naglalakad kasama ang mga ito.
Malinaw na ito ang hamon ni Papa Francisco nang ipaliwanag niya na ang “Synodality” o ang pagsasagawa ng Synod ay “ang sama-samang paglalakad sa iisang daan.”
Madalas magkulang kaming mga pari sa pakikipag-ugnay sa kabataan.
Pangalawang aral, ang kahalagahan ng “movement” o pagkilos. Isang negatibong epekto ng pandemya ay ang napakalaking kabawasan sa pagkilos dahil sa “lockdown”.
Reklamo nga ng isang kabataang sumama sa mahaba at nakakapagod na lakad, “Nasanay na kaming kabataan na maging “digital” o kumilos sa “cyber-space”, sa virtual at hindi sa tunay na mundo. Mabibilis ang aming mga mata at daliri ngunit, lampa at mahihina ang aming mga paa at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pangatlong aral, mainipin kami. Gusto naming mabilis ang lahat ng bagay. Kaya ganun na lang kahalaga sa amin ang koneksiyon ng internet, kailangan palaging mabilis. At dahil dito, madali kaming mainip, at mainis kung hindi namin natatapos agad ang isang bagay.
Subalit, hindi pala ganun ang paglalakbay. Ganun na lang marahil ang tiyaga ng mga unang misyunero nang nagsimula silang maglakad sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan upang palaganapin ang pananampalatayang Kristiano.
Sa bawat paghaharap sa mamamayan ng anumang katutubong kultura, kailangang maghintay.
Naalala ko pa ang itinuro ng pumanaw naming propesor na si Padre Roque Ferriols Sj, “Sa pagkilala at pag-unawa sa katotohanan, kailangang maintindihan natin ang ibig sabihin ng “aletheia”, o ang salita para sa katotohanan sa Griego. Ayon kay Ferriols, ang katotohanan ay hindi nagmamadaling magpakilala. Dahan-dahan itong nagpapakita, tulad ng bulaklak na dahan-dahang bumubukadkad.
Pang-apat na aral. Kaya pala namin ang maglakbay nang malayo at maglakad sa sari-saring daan mula patag, paahon at pabulusok. Kung hindi pa namin sinubukang sumabay sa LakaRun, hindi namin matutuklasan ang aming kakayahan.
Naalala ko ang kuwento mula sa dyaryo tungkol sa pamimilit ng anak sa kanyang tatay na matutong mag-online banking. Ayaw ito ng tatay, at ito ang kanyang dahilan. “Hindi sa ayaw kong matuto. Dahil sa nakasanayan ko nang pagpunta-punta sa bangko, tuwing pupunta ako, nakakausap ko ang mga kaibigan kong teller, manager at security guards na kaibigan kong lahat. Mas gusto ko ito dahil hindi ka lang nagbabangko kundi nakikipag-ugnayan din sa mga totoong tao at hindi sa computer lamang.”
Maganda ng ugnayang totoo o aktuwal kaysa sa online. Napakaganda, nagbibigay sigla, kulay at lasa ang aktuwal na pagpasok at pakikilahok sa buhay, lalo na kung kasama pa ang kabataan.




Comments