Bakit kailangang magbayad ng toll fee?
- BULGAR
- Nov 26, 2022
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 26, 2022
Marami sa ating mga kababayan ang tuwing dadaan ng expressway ay bayad nang bayad ng toll fee pero hindi naiintindihan kung bakit sila nagbabayad nito at hindi rin nila alam kung ano mismo ang toll fee.
Ang toll fee ay halagang ating ibinabayad para gumamit ng kalsada o highway bilang bahagi ng inisyatibo ng gobyerno na makapagtayo ng major expressway para sa mas mabilis at maayos na biyahe patungong mga lalawigan.
Sa ilalim ng Presidential Decree No.1112 ay nabuo ang Toll Regulatory Board (TRB) na siyang inatasang mamahala, monitoring, pagsasaayos ng konstruksiyon, operasyon at maging ang maintenance ng lahat ng toll facilities.
Kahalintulad din ito ng paggamit sa ibang pampublikong pasilidad o serbisyo na kailangang magbayad ang gagamit ng tollways upang matulungan ng pagsasaayos at maintenance ng operasyon ng expressway sa bansa.
May pagkakataon namang inihihinto ang koleksyon o pagbabayad ng toll fee, halimbawa’y may national crisis o special holiday at ang mga bagong gawang expressway ay binubuksan at pinagagamit ito sa publiko nang walang bayad sa loob ng ilang buwan bago ipatupad ang panahon ng paniningil.
May mga sasakyan namang hindi talaga sinisingil sa tuwing dadaan sa expressway, tulad ng mga sasakyan ng gobyerno na opisyal ang lakad basta magpapakita ng official trip ticket sa lahat ng toll booth. Hindi rin sinisingil ang mga emergency vehicle, lalo na kung aktibo silang tumutugon sa krisis ng bansa.
Ang iba pang sasakyan na talagang walang bayad sa expressway ay ang truck ng bumbero, ambulansya, markadong sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Wala ring bayad ang mga hinatak na sasakyan na mula o dadalhin sa impounding area ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ngunit ang mga pribadong truck ng bumbero at ambulansya na pag-aari ng mga negosyante ay hindi libre.
Ngunit ipinakikiusap ng TRB sa mga toll booth operator na kung nasa gitna ng pagresponde o pagtugon sa emergency ay payagan nang dumaan ng walang bayad maging pribado o pampublikong ambulansya o truck ng bumbero.
Ngayon, kung nagpaplano kayong magsagawa ng weekend trip, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan o kaya’y gusto n’yo lamang malaman kung magkano ang bayad sa NLEX hanggang TPLEX ay narito ang ilang umiiral na bayad.
Kung galing sa Metro Manila at nagmamaneho ng Class 1 vehicle ay asahan na ang ganitong babayaran:
NORTHERN DESTINATIONS
• Manila patungong Angeles, Pampanga toll fee (NLEX-Balintawak to NLEX-Angeles): ₱272
• Manila patungong Lingayen, Alaminos toll fee (NLEX-Balintawak patungong TPLEX-Paniqui): ₱533
• Manila patungong Subic toll fee (NLEX-Balintawak patungong SCTEX-TIPO): ₱579
• Manila patungong Baguio via TPLEX toll fee: (NLEX-Balintawak patungong TPLEX-Sison): ₱744
• Manila patungong La Union, Laoag toll fee: (NLEX-Balintawak patungong TPLEX-Rosario): ₱765
SOUTHERN DESTINATIONS
• Manila patungong Tagaytay toll fee (SLEX-Magallanes patungong SLEX-Sta. Rosa): ₱175
• Manila patungong Batangas toll fee (SLEX-Magallanes patungong SLEX-Calamba): ₱214
Maaari kayong magbayad ng cash, ngunit karaniwan ay mahaba ang pila hindi tulad kung gagamit ng RFID ay mas mabilis na makakadaan sa mga toll gate at magiging maginhawa ang biyahe kung hindi magloloko ang kanilang RFID-linked electronic toll tag reader na sanhi ng hindi pagtaas ng gate barrier.
Alam ba ninyo na sa unang pagkakataon na ang sasakyan na dumaan sa toll gate na walang sapat na load sa kanilang RFID ay pagbibigyan pa ng pagkakataong magbayad, ngunit kung mauulit ito sa ikatlong pagkakataon ay obligado ng magbayad ng multang P1,000?
Kaya para walang abala ay tiyaking sapat ang load ng inyong RFID upang maiwasan ang anumang abala dahil kung ang motorista ang may pagkukulang ay tiyak na may kahaharaping problema.
Pero kung ang pamunuan ng mga nagpapatupad ng expressway ang may pagkukulang — tulad ng hindi gumana ang Autosweep RFID sa ilalim ng pamamalakad ng San Miguel Corporation na nagdulot ng matindi at napakahabang trapik sa expressway ay motorista pa rin ang may problema.
Isipin mo, kapag sila ang may pagkukulang ay nagpapaliwanag lang ay ayos na, pero kapag ang motorista, bukod sa multa, kapag minalas ay asunto pa.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








bakit bukod tanging sa pilipinas lang ang may bayad gumamit ng kalsada na dagdag pahirap sa taong bayan