Baka wala nang humingi ng tulong kay Willie Revillame dahil nabulgar na sumbatero siya
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 12, 2023
DAHIL SA PAGIGING SUMBATERO NI WILLIE REVILLAME, BAKA WALA NANG HUMINGI NG TULONG SA KANYA—Matapos isumbat ni comedian-TV host Willie Revillame ang ilan sa mga nagawa niya sa kapwa, baka wala nang humingi ng tulong sa kanya o wala nang tumanggap ng ibinibigay niyang tulong.
Ang dahilan, sumbatero pala siya dahil isinusumbat niya ang mga naitutulong niya sa kapwa, period!
◘◘◘
KATATAAS LANG NG PRESYO NG MGA BILIHIN, PATI PAMASAHE AY MAGTATAAS NA RIN—Magtataas na rin ang singil sa pasahe sa MRT, LRT-1 at LRT-2, at sakaling aprubahan na ito ng Department of Transportation (DOTr), magiging P17 na ang minimum fare ng MRT at LRT-1, samantalang P15 naman sa LRT-2.
Hay naku, wala na nga yata talagang katapusan ang pagtaas ng inflation rate o pagtataas ng presyo ng mga bilihin at bayarin dahil matapos aprubahan ng Deparment of Trade and Industry (DTI), ang dagdag na taas-presyo ng sardinas, instant noodles, kape, tinapay atbp, heto at pamasahe naman sa MRT, LRT 1 at LRT 2 ang tataas. Saklap!
◘◘◘
MGA MIYEMBRO NG ECONOMIC TEAM NINA EX-P-DIGONG AT P-BBM, PALPAK! –Bago bumaba sa puwesto si ex-PNoy o former President Noynoy Aquino noong Hunyo 30, 2016, ang inflation rate sa Pilipinas ay 1.26%, ibig sabihin, mura ang presyo ng mga bilihin noon. Sa panahon ni ex-P-Duterte o former President Digong Duterte, bago siya bumaba sa puwesto noong Hunyo 30, 2022 ay 5.1% ang inflation rate, ibig sabihin, tumaas ang presyo ng mga bilihin at bayarin; at sa panahon ngayon ni President Bongbong Marcos (P-BBM), sa halos anim na buwan niya sa puwesto ay sunud-sunod ang pagsirit ng inflation rate at umabot na ito sa 8.7%. Ibig sabihin, sobrang tumaas ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa Pilipinas.
Isa lang ang nakikita nating dahilan d’yan, mahusay ang mga miyembro ng economic team ni ex-PNoy at palpak ang economic team nina ex-P-Digong at P-BBM. Boom!
◘◘◘
HUWAG SANANG MAPAKO ANG PANGAKO NG MGA FOREIGN INVESTORS—Sa bawat paglabas sa bansa ni P-BBM, pag-uwi niya sa Pilipinas ay ibinibida niya ang pangako ng mga negosyante sa ibang bansa na mag-i-invest ng negosyo sa ‘Pinas.
Sana, ngayong 2023 ay umpisahan na nilang magnegosyo sa Pilipinas, at sana ang mga pangako ng mga foreign investors ay magkatotoo, at hindi matulad sa mga trapo o traditional politicians na kumakandidato tuwing eleksyon sa bansa, na kapag naluklok sa puwesto ay napapako na lang ang mga pangako, period!





Comments