Bahay ni Chef Tatung, nilooban... Mga pulis ng Baras at Antipolo, nagturuan sa pag-iimbestiga, sibak

ni Mai Ancheta @News | October 20, 2026

Photo: Chef Tatung Sarthou / PNP
Sinibak sa puwesto ang mga tauhan ng Baras at Antipolo City police station matapos umanong magturuan kung sino ang dapat na mag-imbestiga sa panloloob sa resthouse ng celebrity chef at content creator na si Tatung Sarthou sa Baras, Rizal.
Tinatayang umabot sa P4 milyon ang halaga ng mga ninakaw na kagamitan at pinsala sa mga ari-arian ni Chef Tatung.
Itinaon umano ng magnanakaw na walang tao sa bahay ng biktima noong September 25, 2026 at nag-report ang staff nito sa Baras Police at Antipolo Police Station ngunit sa halip na tulungan silang malutas ang kaso ay nagturuan umano ang dalawang police stations kung kaninong hurisdiksyon ang lugar na pinangyarihan ng insidente.
Nakarating kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang nangyari sa resthouse ng celebrity chef pati na ang reklamo na pinabalik-balik umano ang staff nito sa iba't ibang police stations kaya pinaiimbestigahan na niya ito.
Ang mga sinibak na pulis ay nasa floating status habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at reklamo sa mga ito.
Sa follow-up operations ay nahuli ang isang suspek sa Brgy. San Jose , Antipolo City nitong Linggo ng hapon, at narecover ang isang malaking suitcase na naglalaman ng iba't ibang gamit at kitchen utensils na kinuha sa niloobang bahay ni Chef Tatung.





Comments