top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bagyo at pagtaas ng presyo ng bigas at gulay, joint forces

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 4, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 4, 2023


Halos kakaalis pa lamang ng mga Bagyong Egay at Falcon sa Pilipinas, at hanggang ngayon ay sinasalanta pa rin tayo ng habagat ay sumabay naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin katulad na lamang ng bigas at gulay.


Dahil dito, nagpatupad ng price freeze sa ilang lugar sa Luzon ang Department of Trade and Industry (DTI) na tinamaan ng kalamidad.


Gayunman, inaasahan namang tataas ang presyo ng lokal na bigas sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na pagbaba ng suplay ng lokal na palay.


Dumoble naman umano ang wholesale na presyo ng mga gulay sa Nueva Vizcaya trading post, partikular sa mga kamatis, carrot, patatas at repolyo.


Ang price freeze sa mga basic necessities ay ipinapatupad sa mas maraming lugar sa Central Luzon region na nagdeklara ng state of calamity dahil sa Bagyong Egay, Typhoon Falcon at pinalakas na habagat.


Batay sa monitoring ng DA nitong Miyerkules, umabot sa P44 kada kilo ang retail price ng local regular milled rice; local well-milled rice sa P49 kada kilo; local premium rice sa P55 kada kilo at local special rice sa P62 kada kilo.


Ang imported well-milled rice ay umabot ng hanggang P48 kada kilo; imported premium rice sa P52 kada kilo at imported special rice sa P58 kada kilo.


Sa monitoring naman ng DA sa mga pamilihan sa Metro Manila, umabot sa P200 kada kilo ang retail na presyo ng carrots at Baguio beans; petchay tagalog at patatas sa P180 kada kilo; ampalaya sa P170 kada kilo; kamatis at repolyo sa P160 kada kilo; talong, petchay Baguio at luya sa P150 kada kilo; kalabasa sa halagang P60 kada kilo; sayote sa P75 kada kilo at sili sa P300 kada kilo.


Kung isasabay ang pagtaas ng presyo ng bigas at gulay sa panahon ng kalamidad, paano na ang mamamayan na hirap pang makabangon mula sa matinding pinsala na iniwan ng mga Bagyong Egay at Falcon?


Sana, huwag na munang isabay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayong patuloy pa rin tayong binabagyo, maawa sana sa taumbayan.


Panawagan naman sa mga mamimili, iwasan ang panic buying at i-report sa DTI ang mga isyu kaugnay ng overpricing, hoarding at iba pang hindi patas at hindi makatarungang sales practices.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page