Bagong travel guidelines abroad, suspended
- BULGAR
- Sep 2, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 2, 2023
Upang matugunan ang mga reklamo mula sa mga pasahero, isinuspinde ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes ang pagpapatupad ng binagong travel guidelines na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ayon kay Justice Spokesperson Asst. Sec. Mico Clavano, pangunahing layunin ng revised guidelines ang maisaayos ang ‘departure procedures’ upang mas maging episyente at ligtas ang proseso para sa lahat ng indibidwal na bibiyahe abroad.
Aniya, ang naturang revisions ay hindi layon na pahirapan ang publiko, sa halip ay mapabuti at pahusayin pa ang pangkalahatang karanasan o overall experience ng mga papaalis na pasahero.
Batay pa sa inilabas na pahayag ng DOJ, “However, in light of recent concerns raised by our esteemed senators and to address the importance of transparency and public consultation, the Secretary of Justice, Jesus Crispin “Boying” Remulla, has deemed it necessary to thoroughly clarify the issues surrounding the revised guidelines to both the senators and the public.”
Muli ring pinagtibay ng DOJ ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng mga karapatan at kapakanan ng lahat ng indibidwal, kabilang na ang “right to travel freely”.
Tiniyak din ng kagawaran sa publiko na ang revised guidelines ay para magkaroon ng balanse sa pagitan ng pambansang seguridad o national security at episyenteng paglalakbay.
Sa kabila ng naturang suspensyon, nilinaw ng DOJ na mananatili ang ibang mga umiiral na batas at regulasyon sa pagbiyahe at sa immigration procedures.
Mainam ang naging desisyon ng DOJ na suspendihin muna ang pagpapatupad ng binago at mas mahigpit na alituntunin sa paglalakbay ng mga pasahero.
Sa halip nga naman na mapadali ay pahirapan pa sa pagkuha at pagsusumite ng mga kailangang requirements para makapag-travel lang abroad.
Mabuti rin at natalakay ito agad sa Senado kaya marahil ay napahinto ang implementasyon nito.
Panawagan natin sa kinauukulan, sana pag-aralan muna nilang maigi ang mga panuntunan na kanilang inilalabas kung ito ay makakatulong o magpapabigat pa sa taumbayan bago nila tuluyang ipatupad. Isipin sana ninyo lagi na unahin ang kapakanan ng mamamayan habang magserbisyo ng tapat at maaasahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments