top of page

Bagong registered voters, maging wais para ‘di magsisi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 10, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 10 2024



Boses - Ryan Sison


Nakapagproseso na ng kabuuang 2,725,085 voter’s application hanggang nitong May 7, 2024.


Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, malapit na sila sa kanilang target na aplikasyon na 3 milyong botante.


Nangunguna sa listahan ng mga processed application ang Region IV-A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na may 493,392.


Sinundan ito ng National Capital Region (NCR) na may 420,212 at Region VII na may 190,393 na naprosesong aplikasyon.


Ang tatlong lugar naman na nakakapagrehistro ng mas mababang bilang ng mga aplikasyon ay ang Cordillera Autonomous Region (CAR) na may 34,608, Region IV-B na may 67,670, at Caraga na may 70,147.


Kaugnay nito, ang mga babaeng voter’s applicants ay nakapag-register ng mas mataas na bilang o volume na may 1,408,366, habang ang aplikasyon ng mga lalaki ay nasa 1,316,723.


Ipinahayag din ni Garcia na 13 pang probinsya sa limang rehiyon ang nakatakdang bisitahin ng Comelec para sa kanilang Voter’s Registration Education program.


Ani Garcia, hanggang last week ng September magtatapos ang isinasagawang voter’s registration campaign ng kagawaran. Gayundin, para aniya sa 2025 elections, naghahanap pa ang Comelec ng halos 68 milyong registered voters.


Halos aabot na sa tatlong milyong Pinoy ang naghain ng kanilang aplikasyon para maging registered voters at ma-exercise ang kanilang karapatang makaboto sa midterm elections sa susunod na taon.


Marami na rin kasi ang nagnanais na ipahayag ang kanilang saloobin para sa mga ilalagay sa posisyong mga kandidato.


Payo lang sa ating mga kababayan na maging matalino at mapanuri tayo sa pagpili ng mga ihahalal na lider ng ating bansa. 

Isipin nating mabuti ang iluluklok na mamumuno ay iyong talagang may pagmamalasakit, tumutulong at nagseserbisyo nang tapat sa mga mamamayan at sa bayan. At hindi iyong tila papogi lang na walang naiaambag para sa kapakanan at kapakinabangan ng taumbayan. 


Huwag din tayong basta pauuto sa mga pulitikong magagandang magsalita at kung anu-anong pangako ang binibitawan pero sa bandang huli ay hindi rin nagawa at napako lang.


Alalahanin lagi natin na ang sinumang iuupo natin sa puwesto ay pakikisamahan natin ng ilang taon, kaya sana ay mabuti at nararapat talagang lider ang ating iboboto upang hindi tayo magsisi sa huli.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page