‘Bagong Pilipinas’ ni Marcos, baon sa utang, sagana sa ‘Pork’?!!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 17, 2023
BAON SA UTANG AT SAGANA SA PORK BARREL ANG BAGONG PILIPINAS NG MARCOS ADMINISTRATION -- Matapos batikusin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagkabaon sa utang ng Pilipinas, at mga senador at kongresista na patuloy na tumatanggap ng pork barrel, ay ibinida ni Pres. Bongbong Marcos ang “Bagong Pilipinas” na uri ng pamamahala ng kanyang administrasyon sa bansa.
Sa totoo lang, Bagong Pilipinas na nga ang bansa natin ngayon, “Bagong Pilipinas na Baon sa Utang at Sagana sa Pork Barrel,” buset!
◘◘◘
MGA SEN. AT CONG. NA MAY PORK BARREL DAPAT MAY LOGO RIN -- Mainit na isyu ngayon ang tungkol sa pagpapalit ng mga logo ng mga ahensya ng gobyerno, kaya’t ang ginagawa ng mga netizen ay nagsisipag-post sa social media ng mga ginawa nilang logo na angkop sa bawat departamento ng gobyerno.
Sana, may gumawa rin ng logo na angkop sa mga senador at kongresistang may pork barrel, na ang nakasaad sa logo ay “Pork Barrel Politicians of the Philippines”, boom!
◘◘◘
HINDI LANG BLOGGER NA BUMATIKOS SA MGA TRAPO ANG DAPAT MAKULONG, DAPAT MAKULONG DIN ANG MGA VLOGGER NA NAGPU-PROMOTE NG ONLINE ILLEGAL GAMBLING -- Hinatulan ng korte ang isang blogger, si Edward “Cocoy” Dayao na makulong ng 2 hanggang 4 na taon dahil sa pambabatikos nito sa social media nang bansagan niyang “Malacanang lapdogs” o mga “tuta” ni ex-P-Duterte sina Senate Pres. Migs Zubiri, Senators Cynthia Villar, Koko Pimentel, former Senators Tito Sotto, Richard Gordon, Manny Pacquiao at Gringo Honasan dahil sa pagtanggi ng pitong dati at kasalukuyang senador na lumagda sa isang resolusyon na kumukondena sa pagkakapatay sa mga menor-de-edad sa bloody drug war noon ng Duterte administration.
Sana, hindi lang blogger na nambabatikos sa mga trapo ang makulong, sana ay makulong din ang mga vlogger na nagpu-promote ng online illegal gambling sa social media, kasi sa totoo lang, bad ang ginagawa ng mga vlogger na manghikayat sa netizens na magsugal kaysa sa ginawa ng blogger na nambatikos ng mga trapo, period!
◘◘◘
BAGONG PAHIRAP SA MGA MOTORISTA, ISAMA KAYA NI P-BBM SA KANYANG IBIBIDA SA SONA -- Magpapatupad na naman ang mga oil companies ng dagdag-presyong P2 sa kada litro ng diesel at P1.50 sa kada litro ng gasolina.
Ang dagdag-pahirap na ‘yan sa mga motorista ay isama kaya ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na kanyang ibibida sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa July 24, 2023? Abangan!





Comments