Bagong klase ng Covid-19, gusto pa munang kumalat bago pigilan…

KEAN KAY SEC. DUQUE: MAG-RESIGN KA NA!
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | December 29, 2020

Mabuti na lang at healthy si Health Secretary Francisco Duque III dahil kung hindi ay malamang hindi na niya nakayanan ang mga masasakit na salitang ibinabato sa kanya ng mga kilalang personalidad at netizens dahil sa mga suhestiyon niya kay Presidente Rodrigo Duterte tungkol sa bagong COVID19 strain.
Ang bagong Coronavirus strain ay nagsimula sa United Kingdom at wala pang nakakapasok sa bansa.
Nag-impose na ang Pilipinas ng travel ban sa mga galing-UK simula nitong Disyembre 24 hanggang 31, pero pinapayagan ang biyahe patungong UK.
Sa nakaraang report ni Secretary Duque kay Presidente Duterte ay may 79 pasahero mula sa UK ang dumating sa bansa at isa ang nag-positive sa COVID-19. Singkuwenta'y tres katao ang negative habang may ilan pang naghihintay ng resulta ng kanilang swab test.
Wala pang indication na nakapasok na sa Pilipinas ang bagong COVID-19 kaya ang mungkahi ni Sec. Duque, “Ikonsidera lamang ang travel ban, Mr. President, kung nasa lebel na ng community transmission ang new variant sa naturang bansa.”
Naloka ang lahat sa pahayag na ito ng Health secretary dahil kailangan ba talagang hintayin pang may makapasok saka ikonsidera ang travel ban?
Kaya hindi na napigilan ng singer-songwriter-actor na si Kean Cipriano na maglabas ng saloobin tungkol dito.
Sa Twitter account ni Kean ay nagpahayag siyang mag-resign na lang si Sec. Duque.
“Sec. Duque is too incompetent to be trusted with such an important responsibility at a very delicate situation. Please resign. Give the position to someone who truly cares for the nation,” tweet ni Kean.
Sinundan din ng tweet ng asawa niyang si Chynna Ortaleza, “Filipino lives are on the line. Please step down."
Bago ito ay may viral video na nag-iikot si Sec. Duque sa BGC, Taguig para personal na paalalahanan ang mga naroroon na huwag kalimutan ang social distancing at ang pagsusuot ng face masks at face shields.
Imbes na ang unahing asikasuhin ay ang pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19 ay inuna ang video na gagamitin sa press release nito sa social media.
Ayon sa mga nakapanood ng video, “Malala na talaga rito sa 'tin. 'Yung ibang bansa, busy sa pag-aasikaso ng vaccine at kung paano masosolusyunan 'yung pandemic."
Tweet pa ni Kean, “Si Sec. Duque, nagsusukat ng social distancing. Para sa'n? Para may pang-post sa social media? Aren’t you supposed to do bigger moves for the country?”
Well, abangan ang mga susunod na hakbang ng ating Health secretary.





Comments