top of page
Search
  • BULGAR

Back to school na ba, besh? Mga paalala para sa ligtas na f2f classes

ni Mharose Almirañez | May 8, 2022




Handa ka na bang makita sa school si crush? The long wait is over, sapagkat balik-eskuwela na ang ilang mag-aaral sa bansa makalipas ang mahigit dalawang taong modular at online classes dahil sa COVID-19 pandemic.


Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, inaasahang makikilahok sa face-to-face classes ang 5,948,640 estudyante mula sa 25,668 o 56.89% pampublikong paaralan. Habang 226,991 mag-aaral naman mula sa 676 o 5.47% pribadong paaralan.


Napakaganda nitong balita, sapagkat mas matututukan na ng mga guro ang bawat mag-aaral. Gayunman, hindi pa rin tayo dapat maging kampante hangga’t hindi tuluyang nawawala ang banta ng COVID-19. Tulad ng paulit-ulit na paalala ng Inter-Agency Task Force (IATF), narito ang ilang safety protocols na ‘di dapat kalimutan:


1. MAGDALA NG HYGIENE KIT. Kalimutan mo na ang lahat, huwag lang ang alcohol. Isama mo na rin ang anti-bacterial soap at extra face masks. Iwasan din ang panghihiram ng gamit sa kamag-aral.


2. MAG-FACE MASK. Ito ang iyong magiging pananggala kung sakaling may bumahing o umubo malapit sa iyo. Tatanggalin lamang ang facemask tuwing kakain o iinom. Itapon ito nang maayos kung disposable at labhan kaagad kung reusable.


3. MAG-SOCIAL DISTANCING. Umiwas sa matataong lugar, partikular sa canteen tuwing recess o break time. Huwag ding makipagsiksikan sa hallway, corridor, hagdan at pampublikong transportasyon.


4. MAGHUGAS NG MGA KAMAY. Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay kada-oras upang hindi manatili ang mikrobyo sa bawat sulok ng iyong mga daliri at kuko.


5. MAG-DISINFECT. Bukod sa paghuhugas ng mga kamay at pag-a-alcohol, i-disinfect mo na rin ang iyong mga kagamitan na maaaring kapitan ng virus tulad ng mga sukli, silya, ballpen, bag, cellphone, atbp.


Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), 67,911,464 na ang mga nabakunahan kontra COVID-19 sa bansa. Bagama’t hindi mandatory ang pagpapabakuna at pagpapa-booster ay patuloy pa ring hinihikayat ang bawat isa, bilang proteksiyon laban sa virus.


Napakasarap isiping unti-unti na tayong nakakabalik sa normal. ‘Yung tipong, kaunti na lamang ang restrictions at mas maluwag na rin ang mga ipinatutupad na protocols sa bawat lokal na pamahalaan.


Imadyinin mo ba namang makakapag-bitaw ka sa dagat makalipas ang dalawang taong summer na puro lockdown. It’s indeed a long time, no sea!


Bukod d’yan, halos dalawang school year graduation rites na rin ang naisagawa virtually, kaya nakakalungkot isiping hindi ka manlang nakapag-martsa sa mismong araw na iyong pinakahihintay. Kaya naman sa taong ito’y maayos at ligtas na face-to-face graduation ang ipinakikiusap sa mga piling paaralan.


Bagama’t limitado ay isa pa rin itong magandang simula para sa tuluy-tuloy na “new normal”. Sana ay hindi lamang ito patikim sa nalalapit na halalan, kung saan balik-lockdown matapos ang eleksyon.


Nauunawaan naming excited ka sa outside world, pero plis lang, beshie, ‘wag magpasaway para maiwasan ang hawahan at hindi na magkaroon ng Season 3 ang enhanced community quarantine (ECQ). Okie?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page