‘Back-to-school essentials’ ng mga guro at iba pang school personnel, sagot na ng pamahalaan
- BULGAR

- Oct 8, 2020
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 8, 2020
Habang patuloy na nag-iikot ang ating mga guro at nakatambad sila sa labas para sa pamimigay ng printed self-learning modules (SLMs) sa mga mag-aaral, napakahalagang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa kanila sa panahon ng pandemyang ating kinahaharap.
Sa pinakahuling ulat ng Department of Education (DepEd), higit 35 porsiyento pa lamang ng mga SLMs ang naipamahagi hanggang sa mga oras na ito.
Malaki ang papel ng mga guro sa pagpapatupad ng Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP) kaya importante na natutugunan ang kanilang mga pangangailangan, kabilang na ang tinatawag nating ‘back-to-school essentials’ tulad ng face masks, face shields, alcohol, at iba pa.
Hindi kaila na nangangahulugang dagdag-gastos na naman ito sa mga guro. Sila na minsan ang naglalabas mula sa sariling bulsa para may maipantustos sa ibang mga gamit sa eskuwela para sa distance learning.
Naiintindihan natin ang ganitong kinahaharap ng mga guro, kaya nais ng inyong lingkod na makibahagi sa pagtugon sa mga pangangailangang ito. Libu-libong public school teachers, school at assistant school principals, public school district supervisors, school division superintendents at assistant school division superintendents mula sa iba’t ibang paaralan sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna ang binibigyan natin ngayon ng face masks at face shields.
Dahil hindi naman sakop ang mga guro sa pondo ng DepEd para sa mga gastusing may kaugnayan sa COVID-19, mas mainam na makaiwas sila sa posibleng pagkahawa sa virus kaya malaking bagay ang face masks at face shields para hindi rin makahawa sa mga estudyanteng tatanggap ng mga learning modules.
Sa pagbubukas ng klase noong Lunes, personal din nating inikot ang ilang mga bahay sa lungsod ng Valenzuela upang kumustahin ang mga estudyante at magulang sa bagong set-up ng pag-aaral ngayon.
Dahil hindi lahat ng mga mag-aaral ay may internet, gagamitin din para sa pagtuturo ngayong taon ang mga SLMs, radyo at telebisyon.
Hindi man naging perpekto ang takbo ng unang araw ng pasukan dahil sa ilang naging problema tulad ng internet connectivity, umaasa tayong mapupulido rin ito habang tumatagal lalo na’t ang paggamit ng teknolohiya at blended learning ay bahagi na ng mga aktibidad ng mga bata at mga magulang sa ilalim ng tinatawag nating ‘better normal’.
Kung sakali mang may mangyari ulit na krisis sa hinaharap o mga hindi inaasahang pagkakataon tulad ng COVID-19, handa na tayo at mabilis na ang magiging pagtugon sa distance learning.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments