Babu uli sa showbiz, balik-pulitika… VILMA, SUPORTADO NG FANS SA 2025 ELECTIONS
- BULGAR

- Sep 14, 2024
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 14, 2024

Balitang-balita na sa hanay ng mga solid at loyal Vilmanians ang muling pagsabak ng idolo nilang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa political arena.
Bagama’t wala pang detalye kung ano'ng posisyon ang tatakbuhin ni Ate Vi dahil hindi siya nagbibigay ng statement, suportado siya ng kanyang mga tagahanga.
Medyo nanghihinayang lang ang mga Vilmanians dahil ang akala nila ay tuluy-tuloy na ang paggawa ng pelikula ng kanilang idolo. Ang balita kasi ay magpapahinga muna siya sa pulitika.
Inaabangan pa naman ng mga Vilmanians ang entry sana ni Ate Vi sa MMFF 2024. May movie rin na pagsasamahan sana nila ni Judy Ann Santos, pero nag-beg-off nga ang Star for All Seasons, kaya ang ipinalit sa kanya sa movie ay si Lorna Tolentino.
Anyway, naiintindihan naman ng mga Vilmanians ang naging desisyon ng kanilang idolo. Inirerespeto nila ito at handang suportahan sa kanyang political career.
WALA man siyang serye ngayon sa GMA-7, ang Limitless Star na si Julie Anne San Jose ay nasa tamang landas sa kanyang career sa pagkanta, pagko-concert at pagho-host. Hasang-hasa na siya sa pagso-show at pagko-concert.
Sanay na sanay na rin siyang mag-host ng The Clash (TC) na nasa ika-anim (6) na season na ngayon. Magsisimula na muli ang tagisan at pagalingan sa pagkanta ng mga baguhang talented contestants.
Grateful si Julie Anne na muling ipinagkatiwala sa kanya ng GMA Network ang pagiging ‘Clash Master’. Nakaka-relate siya sa mga contestants dahil tulad nila ay nangarap din siya noon na mabigyan ng break bilang singer.
Bata pa siya ay madalas na siyang sumali sa mga singing contests. At kahit nare-reject siya at hindi nananalo, hindi siya nawawalan ng pag-asa.
At dahil sa kanyang pagtitiyaga at pagpupursige, ngayon ay nagkaroon siya ng singing career.
Bukod sa TC, isa rin si Julie Anne sa mga mentors sa The Voice Kids (TVK), na malapit nang umere. Ang mga batang may talento sa pagkanta ang kanyang tutulungan at gagabayan.
PATAPOS na ang ipinagagawang bahay ng Kapuso actor na si Jak Roberto. Kaya excited siya sa pagdalaw dito upang makita ang progress ng mga finishing touches sa bahay.
Talagang pinagsikapan ni Jak na makapag-ipon para sa kanyang dream house. Kahit matagal nang yumao ang kanyang mentor na si Kuya Germs (Moreno), hindi kinalilimutan ni Jak ang payo nito sa kanya na mag-ipon at magpundar habang kumikita.
Kaya nagsikap siyang mag-ipon ng kanyang kinikita sa showbiz. Gusto rin niyang paghandaang maigi ang kanyang future, kaya inuna niyang ipagawa ang kanyang dream house.
Well, suportado naman ng nobya niyang si Barbie Forteza ang mga pangarap niya. Pareho silang goal-oriented at may mga plano para sa kanilang future. Matibay ang pundasyon ng kanilang relasyon at hindi basta sasabak sa pagpapamilya.
Knows na chickboy ang BF, Kylie…
AJ, TODO-BIGAY KAY ALJUR PARA 'DI NA MAAGAW NG IBA
OPEN na sa kanilang relasyon sina Aljur Abrenica at AJ Raval. Hindi na sila patago sa publiko dahil may bagong pag-ibig na rin si Kylie Padilla.
Alam ni AJ ang pagiging “chickboy” ni Aljur at aware siya na posibleng ma-attract pa sa ibang babae ang BF, kaya hindi siya kampante sa kanilang relasyon ngayon. Inihahanda na niya ang sarili sakaling maagaw ng iba si Aljur.
Katwiran ni AJ, ang sarili niya ang kanyang sisisihin sakaling maagaw pa ng ibang babae si Aljur. Maaaring may mga pagkukulang siya, kaya ngayon ay ibinibigay na niya nang buo ang kanyang pagmamahal at pag-aalaga kay Aljur Abrenica upang hindi na matukso ang aktor sa ibang babae.





Comments