Babala: Salisi Gang, gumagala sa mall
ni Ryan Sison @Boses | November 15, 2023
Nagkalat na naman ang mga kawatan at ang kanilang puntirya para makapambiktima ay sa mga mall o kaya sa mga events na maraming tao.
Gayunman, dahil sa maagap na pagkilos ng ating kapulisan apat na miyembro umano ng “Salisi Gang” ang kanilang naaresto sa isang mall sa Barangay Pansol, Quezon City.
Sa report ng Anonas Police Station, dinakip ang apat na suspek na pawang mga babae, matapos na bumili ng cellphone gamit ang ninakaw umano nilang credit card.
Isang senior citizen ang nabiktima, kung saan magbabayad na sana ito sa isang restaurant, pero nagulat na lang itong bukas na ang kanyang bag at nawawala na ang kanyang credit card.
Nakatanggap din ang biktima mula sa bangko ng mensahe na nag-i-inform sa kanya tungkol sa pagbili ng isang cellphone na P84,990 ang halaga gamit ang kanyang nawawalang credit card.
Agad namang nagsumbong sa pulisya ang biktimang senior citizen.
Sa kuha ng CCTV ng isang tindahan sa isang mall, makikitang bumibili ng cellphone ang mga naturang suspek.
Ayon sa hepe ng Anonas PS na si Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, agad na nakapagpagawa ng pekeng ID ang mga babaeng suspek na ipinakita naman nila sa pagbili ng cellphone gamit na nga ang ninakaw nilang credit card.
Nabawi naman ng mga awtoridad mula sa mga naarestong suspek ang cellphone at credit card.
Nahaharap din sa reklamong paglabag sa Access Devices Regulation Act at theft ang mga babaeng suspek.
Mabilis talagang kumilos at mahusay na mambiktima ang mga mandarambong.
Tila mga hassler na sila sa paggawa ng masama at walang sinisino kahit pa senior citizen.
Payo natin sa ating mga kababayan na magdoble ingat sa paglabas ng bahay lalo na kung pupunta sa mga mall at sa mga lugar na maraming tao.
Kung aalis at mamamasyal sa mga mall, iwasan na lang natin na magdala ng malaking pera o kaya ay ingatang mabuti ang ating mga credit card at cellphone dahil talagang nagkalat na ang mga kawatan.
Sa kinauukulan, patuloy sana ang ginagawa ninyong pagtugis sa mga masasamang loob na nagdudulot lamang ng perhuwisyo sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments