top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Babala sa paggamit ng usb port sa mga public charging station

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 21, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 21, 2023


Binalaan ang mga Pilipino mula sa paggamit ng USB (universal serial bus) port sa mga public charging stations sa mga pampublikong lugar tulad ng mga airports, malls, at hotel.


Ayon sa cybersecurity company na Palo Alto networks, maaari silang mabiktima ng “juice jacking”, kung saan ilegal na ina-access ng mga hacker ang isang device.


Binanggit ng Palo Alto na ang mga naturang port ay maaaring maging dahilan para sa transmission ng malicious software (malware) sa telepono o device ng isang user.


Nangyayari umano ang “juice jacking” kapag ang malicious actor ay naglagay ng malware sa mga charging station at nag-activate ng data transfer sa pamamagitan ng mga USB cable para makakonekta sa mga devices.


Nililinlang umano ng malware ang mga user sa pagbibigay ng access sa device, na nagpapahintulot sa mga hackers na makita ang mga sensitibong impormasyon, kabilang ang mga detalye ng bank account at credit card.


Gayunman, sinabi ng cybersecurity firm na may kakayahan ang mga consumer na pigilan ang mga ganitong pag-atake sa pamamagitan ng hindi pag-click sa mga detalye na magpapahintulot sa pag-install ng kahina-hinalang software.


Paliwanag ni Vice President and Regional Chief Security Officer for Asia Pacific and Japan na si Sean Duca, kinakailangan ng malware ang pahintulot ng isang user, tulad ng iba pang app sa cellphones bago ito maka-infect ng device.


Pinaalalahanan ni Duca ang mga Pilipino na palaging isaalang-alang ang mga potensyal na panganib bago pahintulutan ang mga mobile application sa mga device.


Sa nakaraang ulat ng Cybersecurity company na Kasperksy, ang mga cybercriminals ay gumagawa ng mga bagong paraan upang mang-hack ng mobile devices sa panahon ng pandemya.


Kung wala kang ibang opsyon tulad ng power banks o gamitin ang iyong sariling charger sa mga electrical outlet, ngunit gumamit ng public charging port, ipinapayo na gumamit ng USB cable na para lang sa transmitting power at hindi para sa data.


Maaari ring gumamit ng USB data blocker o mas kilala na USB condom, ito ay maliit na adapter na kumokonekta sa pagitan ng USB cable at device’s charging port na pumipigil sa mga data transfers sa pamamagitan ng pagharang sa mga data pin sa USB cable.


Talagang talamak na ang krimen sa panahon ngayon, lahat ng paraan ay ginagawa nila para lang makapanloko ng tao, kaya naman lagi nating paalala, think before you click.


Malaki ang maitutulong nito para makaiwas tayo sa panganib, lalo na ngayong tayo ay nasa digital world, kung saan mas madali nang nakaka-access ang mga hacker sa ating mga devices.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page