Babala sa pa-Father's Day gift... Pabangong nakakabaog, nagkalat
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 21, 2026

Photo: EcoWaste Coalition
Ibinabala ng EcoWaste Coalition sa publiko ngayong pagdiriwang ng Father’s Day na iwasang mamili at magregalo ng pabango at iba pang personal care products na maaaring naglalaman ng butylphenyl methylpropional (BMHCA), isang sintetikong sangkap na ipinagbawal sa ilang bansa dahil sa posibleng panganib nito sa kalusugan.
Ang BMHCA, na kilala rin bilang p-BMHCA, lilial, lily aldehyde, lysmeral, o 2-(4-tert-butylbenzyl) propionaldehyde, ay ipinagbabawal sa ilalim ng European Union Cosmetic Products Regulation at ASEAN Cosmetic Directive.
Ipinatupad ang pagbabawal nito sa European Union noong 2022, habang nagsimula naman ang pagbabawal sa mga bansang ASEAN noong 2024 sa pamamagitan ng FDA Circular No. 2023-007.
Sa kabila nito, sinabi ng EcoWaste Coalition na patuloy pa rin nilang natutuklasan ang presensya ng BMHCA sa ilang pabangong ibinebenta sa merkado, partikular sa mga imitasyon o “copycat” o class A na bersyon ng mga kilalang brand.
Sa panibagong pag-inspeksyon nitong Hunyo 19, natuklasan na ang ilan sa mga katulad na produkto ay patuloy pa ring ibinebenta sa Binondo, Maynila.
Ayon sa klasipikasyon ng European Union, ang BMHCA ay itinuturing na isang “reproductive toxicant” o kemikal na maaaring makaapekto sa kakayahang magkaanak at sa kalusugan ng reproduksyon ng kapwa lalaki at babae.
Maaaring malantad dito ang tao sa pamamagitan ng pagdikit nito sa balat o paglanghap.
Nagbabala rin ang EU na maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan ng reproduksyon at sa pag-unlad ng sanggol sa sinapupunan, lalo na sa mga buntis, kababaihang maaaring magdalang-tao, at mga mag-asawang nagpaplanong magkaroon ng anak.
Pinayuhan ng grupo ang mga mamimili na mabusising suriin ang label ng produkto at piliin ang mga may pahintulot ng FDA.





Comments