Babala ng unggoy sa gubat at pagkagat ng langgam sa paa
- BULGAR
- Mar 18, 2023
- 2 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | March 18, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Larry ng Mindoro.
Dear Maestra,
Nasisiyahan akong basahin ang column n’yo tungkol sa panaginip. Dahil dito, gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na nasa gubat ako at may nakita akong unggoy sa puno. Nalilibang ako sa panonood ng mga tricks na ginagawa ng unggoy, tapos biglang sumakit ang daliri ko sa paa at kinagat ako ng langgam. Ang dami palang langgam sa kinatatayuan ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Larry
Dear Larry,
Una sa lahat, nagpapasalamat ako na nasisiyahan ka sa pagbabasa ng column ko. Sana ay patuloy kang tumangkilik ng BULGAR at patuloy na maging tagahanga ng aking kolum, gayundin ng iba pang artikulo na pina-publish dito.
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa gubat ka, may nakita kang unggoy sa puno at nalibang ka sa panonood sa tricks ay kailangang ihanda mo ang iyong sarili sa hindi inaasahang kabiguan ng buhay. Kung ang unggoy ay nakaupo sa puno, mayroong paparating na gulo sa buhay mo, kaya dapat mong pag-isipang mabuti ang mga kamaliang nagawa mo sa mga nakalipas na araw.
Pagkatapos nito, ituwid mo sa lalong madaling panahon ang mga naturang pagkakamali upang hindi mo na danasin ang kaguluhan na nakatakdang dumating sa mga susunod na araw.
Samantala, ang kinagat ka ng langgam habang libang na libang kang pinapanood ang unggoy ay nangangahulugan na may balak kang magtrabaho sa malayong lugar upang umunlad ang buhay at maging mayaman, subalit bago mo makamit ang tagumpay sa balak mong ‘yan, marami kang daranasing sagabal. Gayunman, sa huli ay magtatagumpay ka, yayaman at pagpapalain ka.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments