Babala ng digmaan sa bansa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 07, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dondon ng Bulacan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na pumunta kami ng mommy ko sa kinaroroonan ng Taal Volcano, tapos puro putik ang paligid. May natanaw ako na kulay itim na pabilog sa gilid ng bulkan, sa ibaba ay mga tangke naman ang aking natanaw. Sabi ng Mommy ko, “Magdasal tayo, anak,” at nagdasal nga kami. Pagkatapos naming magdasal ay naisip naming i-report sa pulis ang nakita namin. Habang naglalakad kami papuntang presinto, nadaanan namin mga high-tech machine na angkop na angkop sa makabagong teknolohiya sa kasalukuyan. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dondon
Sa iyo, Dondon,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa iyong panaginip.
Ang ibig sabihin ng bulkan ay may plano kang maganda para sa best friend mo, pero sa halip na matuwa siya ay hindi niya nagustuhan ang binabalak mo at parang bulkan, bigla na lamang siyang nagalit. Nag-init ang kanyang ulo at nagpuputok ang butsi sa pagkainis sa iyo. Minasama niya ang intensiyon mo at dahil d’yan, ang maganda mong balak ay hindi na maisasakatuparan.
‘Yung putik ay nagpapahiwatig ng mga pagsubok na kakaharapin mo. Magdadaan ka pa sa mga sagabal at pagtitiis bago mo makamit ang iyong minimithi.
Samantala, sabi mo ay nagdasal kayo ng mommy mo, ito ay nagpapahiwatig na palagi siyang nakaalalay, anuman ang mga problemang kakaharapin mo. Gayundin, hindi ka niya pababayaan, maging ito man ay may kaugnayan sa iyong kalusugan at iba pang bagay.
‘Yung kulay itim na pabilog na nakita mo sa gilid ng bulkan ay nagbabadya ng paparating na kalamidad, maaaring malagay ang kinaroroonan mo sa matinding pandemya at iba pang kalamidad. Nagpapahiwatig din ito ng digmaan ng bansa kung saan posibleng madamay tayo kung hindi magkakasundo ang mga namumuno sa iba’t ibang bansa na magkaiba ng pinaniniwalaan at sinasampalataya.
‘Yung mga high-tech machine na akmang-akma sa makabagong teknolohiya na nadaanan ninyo habang papunta sa presinto ay nagpapahiwatig na nagtataglay ka ng katalinuhan sa sining ng siyensiya at teknolohiya. Masipag ka rin at madiskarte sa buhay. Ang mga katangian mong ‘yan ang magdadala sa iyo sa tugatog ng tagumpay. Makakaimbento ka ng isang high-tech machine, at ikaw ay sisikat, yayaman, kikilalanin at pararangalan sa inyong lugar.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments