Babala ng ‘di pagkakaunawaan sa pamilya at kaibigan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 01, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorna ng Dasmariñas, Cavite.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na may dalawang taong nakatayo sa kuwarto ko. Nasa gawing kaliwa ‘yung isa, habang ‘yung isa naman ay sa kanan. Nakakatakot ang hitsura nila dahil mukha silang demonyo. Tapos sumama ako sa nasa kaliwa at gusto niyang makipagtalik sa akin, pero tumanggi ako. Dumating ang sister ko at iniligtas ako, tapos may dala siyang box na ang laman ay spare parts ng computer at bigla na akong nagising. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lorna
Sa iyo, Lorna,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay mag-ingat ka sa mga taong nakapaligid sa iyo kasama na ang mga kaibigan at kapamilya mo dahil may babala ng hindi pagkakaunawaan sa kanila.
Gayundin, nagpapahiwatig ang panaginip mo na may taong nakikialam sa bawat desisyon mo.
Hindi ka makawala sa kanya, kaya talasan mo ang iyong isipan at huwag kang magpaalipin sa taong ‘yan.
Ugaliin mong magdasal upang gabayan ka ng Diyos sa iyong mga desisyon sa buhay.
Samantala, ang kahon sa panaginip mo na may lamang spare parts ng computer ay nangangahulugang sa sipag at tiyaga, makakamit mo ang iyong minimithi.
Magtatagumpay ka at kikilalanin sa larangan ng computer technology.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments