Babala na napaliligiran ng mga lihim na kaaway
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 20, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Trixie ng Alabang.
Dear Maestra,
Hangang-hanga ako sa pag-aanalisa n’yo ng mga panaginip. ‘Yung isang panaginip ko ay hindi sinasadyang kahawig ng nailathala sa inyong column noong isang araw. Tama ang pagbibigay n’yo ng kahulugan dahil saktong-sakto at nagkatotoo ang mga sinabi n’yo. Mahusay kayong mag-analisa ng mga panaginip, kaya naisip kong isangguni sa inyo ang napaginipan ko kagabi na namasyal ako sa zoo.
Nakatuwaan kong panoorin ang mga rabbit sa kulungan nila. Libang na libang ako sa panonood nang bigla na lamang nakawala ang mga rabbit. Hinabol ko ‘yung isa pero hindi ko nahuli, pero ‘yung iba pang rabbits ay naging maamo sa akin. Kusang lumapit kaya natuwa naman ako at nasiyahan. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Trixie
Sa iyo, Trixie,
Ang panaginip mo na hinabol mo ‘yung rabbit ay nagpapahiwatig na napaliligiran ka ng mga lihim na kaaway, pero maiiwasan mo ang mga ito kung tatalasan mo ang iyong pakiramdam at magiging maingat ka sa lahat ng sandali.
‘Yun namang naging maamo sa iyo ang ibang mga rabbit ay nangangahulugan na dadalawin ka ng iyong mga kaibigan sa darating na mga araw nang mas maaga kaysa sa napag-usapan n’yong petsa.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments