Babala na may kaagaw sa BF
- BULGAR
- Jun 15, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 15, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Kim ng Marulas, Bulacan.
Dear Maestra,
Noon, madalang akong managinip, ngunit noong mga nakaraang araw, halos gabi-gabi akong nananaginip. Hanggang naisipan kong isangguni sa inyo ang napanaginipan ko kagabi. May humintong kotse sa harap ng bahay namin dahil dumating ang brother ko kasama ang mga kaibigan niya. Gusto nilang makita ang bukid namin dahil balak palang bumili ng bukid kaya naisip ng brother kong ialok ito sa kanila. Pinapasok ko sila at pinainom ng kape, kumain na rin kami ng masarap na almusal tsaka pumunta kaming lahat sa bukid na inaalok ng kapatid ko sa kanila. Nagustuhan naman nila ang bukid at gustong bilhin. Ako naman ay nakakita ng maliliit na ahas papunta sa paanan ko, pero maamo ito at hindi nanunuklaw. Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Kim
Sa iyo, Kim,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na uminom ka ng kape ay may naghihintay na kaligayahan sa iyong buhay sa darating na mga araw. Subalit, ang ibig namang ipahiwatig na binigyan mo rin ng kape ang mga bisita n’yo ay ang kaligayahang madarama mo sa darating na mga araw ay hindi rin magtatagal dahil sa isang pangyayari na hahadlang. Ito ay may kaugnayan sa love life mo. Ibig sabihin, may lihim kang karibal sa pagmamahal ng iyong boyfriend. Ang ahas sa panaginip mo ay nagpapaalala na dapat kang mag-ingat. Huwag makampante na mahal na mahal ka ng boyfriend mo sa kasalukuyan dahil mahirap nang lumuha balang-araw. Makiramdam ka at gamitin mo ang talino sa pagpili ng kakasamahin sa buhay.
Samantala, ang parte na nagustuhan ng buyer ng kapatid mo ang bukid n’yo, ito ay nangangahulugan ng kasaganaan at kaunlaran sa inyong buhay. May bubuksan kayong bagong negosyo at kikita ito nang husto. Doon na magsisimula ang pag-unlad ng inyong kabuhayan. Yayaman na kayo at sasagana.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments