top of page

Babala na may bad news tungkol sa negosyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 22, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 22, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Veronica ng Tarlac.


Dear Maestra,

Isa akong makata at mahilig sumali kung may patimpalak sa bigkasan o pagsulat ng tula.

Napanaginipan ko na may contest sa paggawa ng tula sa Facebook at naisipan kong sumali. Agad kong kinuha ang aking ballpen at papel para kumatha ng tula. Nasiyahan naman ako nang basahin ko ang aking tula, pero hindi ko namalayan na ‘yung ink ng ballpen ko ay kumalat na sa kamay ko at hindi ko ‘yun pinansin. Agad kong nilapitan ang kapatid kong lalaki para ipabasa ang tula kung maganda ba ito at puwede nang ipanlaban sa contest. Hindi nagandahan ang kapatid ko sa aking tula, pinintasan pa niya at sinabing hindi ito puwedeng ipanlaban at siguradong talo raw ako. Tapos nainsulto ako sa sinabi niya at labis akong nalungkot sa inasal niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Veronica


Sa iyo, Veronica,

Ang ibig sabihin ng panaginip na sumulat ka ng tula gamit ang iyong ballpen, may kinalaman ito sa negosyong iniisip mo. Magiging maganda ang resulta nito, pero ang sabi mo ay kumalat ‘yung ink ng ballpen at nalagyan pati ang palad mo, hindi naman maganda ang ipinahihiwatig nito. Makatatanggap ka ng masamang balita tungkol sa negosyo mo at maging sa personal mong pamumuhay.


‘Yun namang nainsulto ka sa sinabi ng kapatid mo, masamang kapalaran ang ipinahihiwatig nito. Mag-aaway kayo ng mahal mo sa buhay o karelasyon mo ngayon at mauuwi ito sa hiwalayan. Maaaring magtagal ang paghihiwalay ninyo hangga’t hindi mo binabago ang pananaw mo sa buhay.


Dahil dito, maging maunawain ka sa lahat ng sandali at lawakan mo pa ang iyong pasensiya. Huwag ka agad magagalit at magtataas ng boses, maging honest ka rin sa karelasyon mo. Gawin mo ang mga ‘yan upang magkabalikan kayo agad ng mahal mo at hindi na tumagal ang paghihiwalay ninyo gaya ng ipinahihiwatig ng panaginip mo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page