Babala na mawawalan ng kabuhayan at parating na mga pangit na karanasan
- BULGAR
- Sep 10, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 10, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rainier ng Quezon.
Dear Maestra,
Hangad at layunin ko na lalo pang dumami ang tagasubaybay mo at magtagumpay ka sa lahat ng mga minimithi mo sa buhay.
Napanaginipan ko na napakayaman ko na, tapos lahat ng gusto kong bilhin, kahit mahal ay kayang-kaya ko nang bilhin. Gayundin, lahat ng luho at layaw sa buhay ay na-e-enjoy ko, tapos kung saan-saan ako namamasyal at kahit sa ibang bansa ay nakakarating ako para lang mag-sight-seeing. Tapos bigla akong nagkapantal sa katawan, tinubuan ako ng tigdas. Dahil dito, agad akong bumili at uminom ng gamot para mawala ang tigdas ko at mapait ang lasa nito. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Rainier
Sa iyo, Rainier,
Kabaligtaran ang ibig sabihin ng mayamang-mayaman ka na kung saan ang lahat ng luho at layaw sa buhay ay na-e-enjoy mo bukod pa sa nakakapag-abroad ka para lang mag-sight-seeing. Ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng kabuhayan. Maghihirap at daranas ka ng pagkabigo sa buhay. Nagpapahiwatig din ito ng panibugho. Matinding selos ang mararamdaman mo, hindi lamang sa larangan ng pag-ibig kundi pati sa mga taong malapit sa iyo na umunlad na ang buhay habang ikaw ay napag-iiwanan sa paglago ng kabuhayan.
‘Yung nagkaroon ka ng tigdas, ito ay nagpapahiwatig na maayos naman ang iyong kalusugan sa kasalukuyan at may malakas kang pangangatawan. May nakalaan din sa iyong pag-unlad sa buhay, ngunit hindi pa ito mangyayari ngayon dahil kailangan pa ang tiyaga at sipag para ikaw ay makabangon.
Samantala, ang sabi mo ay agad-agad kang bumili ng gamot para sa tigdas at ininom ito. Kung ang gamot ay mapait gaya ng sinasaad sa panaginip mo, ito ay nangangahulugan na makararanas ka ng mga pangit at hindi kanais-nais na pangyayari sa susunod na mga araw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments