Babala na matutukso at masisira ang masayang pamilya
- BULGAR
- Jun 11, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 11, 2021
Dear Maestra,
Ako ay isang ilaw ng tahanan at maligaya sa piling ng aking mga mahal sa buhay. Napakabait ng asawa ko. Masipag, maalalahanin, magiliw sa mga anak namin, mapagmahal at responsable. Halos wala na akong hahanapin pa sa buhay dahil kuntento na ako sa kasalukuyan kong pamumuhay. Subalit hindi ko alam kung bakit madalas kong mapanaginipan na pinagtataksilan ako ng asawa ko.
Sa panaginip ko, may babae siya na maganda, sexy at batang-bata pa. Dahil doon, bilang ganti, kinaliwa ko rin siya. Lihim akong nakipagmabutihan sa ibang lalaki nang lingid sa kanyang kaalaman. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Lerma
Sa iyo, Lerma,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may ibang babae ang asawa mo ay kabaligtaran sa tunay na buhay. Ibig sabihin, mahal na mahal ka ng asawa mo. Tapat siya sa iyo at mahal na mahal niya kayo ng mga anak mo. Kailanman ay hindi siya natutukso sa ibang babae.
Ang panaginip mo namang ikaw ay nakipagmabutihan sa ibang lalaki nang lingid sa kanyang kaalaman ay nagpapahiwatig na susubukan ka ng tadhana kung gaano mo kamahal ang iyong asawa. May darating na tukso sa buhay mo at malamang na hindi mo ito maiiwasan. D’yan na mawawasak ang magandang relasyon n’yo ng asawa mo.
Kaya ang maipapayo ko, ngayon pa lang ay umiwas ka na sa mga lalaking umaaligid sa iyo. Maging matatag ka sa tukso ng pag-ibig. Alalahaning ang masaya, payapa at magandang pamilya ay isang malaking pagpapala ng Diyos sa inyo. Bibihira lang ito at mabibilang mo sa daliri ang pamilyang may maayos at payapa ang pamumuhay. Magpasalamat ka sa Diyos dahil napabibilang ka sa may pamilyang matatag at maginhawa ang pamumuhay. Umiwas ka sa tukso ng balatkayong pag-ibig. Manatili kang tapat, mapagmahal at responsableng ilaw ng tahanan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments