Babala na magkakaaberya sa last minute ng kasal
- BULGAR
- Aug 10, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 10, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Aurora ng Pangasinan.
Dear Maestra,
Malapit na akong magpakasal, kaya bawat panaginip ko ay gusto kong malaman ang kahulugan dahil baka may kaugnayan ito sa nalalapit kong pagpapakasal.
Araw-araw akong bumibili ng BULGAR, at ang una kong binabasa ay ang inyong column. Gustong-gusto kong malaman ang kahulugan ng mga panaginip na ipinaaanalisa sa inyo at napakasuwerte ko dahil karamihan sa ipina-publish ninyo ay kapareha ng panaginip ko. Akala ko ay kuntento na akong tagabasa, pero hindi pala. Kakaiba kasi ang napanaginipan ko kagabi. Nanaginip akong umaakyat ako sa mataas na bundok. Pilit kong inaakyat ang bundok kahit sumasakit na ang mga paa ko, hanggang hindi ko na nakayanan dahil sobrang sakit na ng mga binti ko at bigla akong nahulog at bumagsak sa lupa. Ano ang ipinahihiwatig nito?
Naghihintay,
Aurora
Sa iyo, Aurora,
Nagpapasalamat ako sa pagsubaybay mo sa aking kolum, huwag ka nawang magsawa sa pagbili ng BULGAR at hindi lamang panaginip ang subaybayan mo kundi ang iba pang mga balita at lathalain sa diyaryo namin.
Ang ibig sabihin ng panaginip na umaakyat ka sa bundok at gusto mong marating ang itaas, ito ay sa kabila ng subsob ka sa trabaho at halos walang pahinga, hanggang ngayon ay hindi napapansin ng boss mo iyong pagsusumikap. Hindi ka man lang ma-promote o madagdagan ang iyong sahod, pero huwag kang mag-alala dahil malapit nang mapansin ng boss mo kung gaano ka kasipag at katiyaga sa trabaho mo.
Samantala, ‘yung bigla kang nahulog, ito ay may kaugnayan sa nalalapit mong kasal. May hindi inaasahang pangyayari na magiging hadlang sa pagpapakasal mo. Ito ay mangyayari kung kailan last minute at magsusumpaan na kayo sa altar ng lalaking pakakasalan mo.
Umaasa ako at dumadalangin na huwag magkatotoo ang kahulugan ng panaginip mo. Gayunman, ipanatag mo ang iyong isipan, manalangin sa Diyos Amang makapangyarihan na nawa’y walang maging hadlang sa nalalapit mong kasal.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments