Babala na mabibigo sa pangarap
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 7, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dionisio ng Bataan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na kagigising ko lang, tapos pumunta ako sa kusina at sumilip sa bintana.
Nakakita ako ng higante na nakatayo sa malaking puno ng mangga sa likod-bahay namin. Sa takot ko, nahawakan ko ‘yung itaas ng pajama ko at lumuwag ‘yung garter sa tindi ng paghawak ko, tapos muntik nang mahubo ang pajama ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dionisio
Sa iyo, Dionisio,
Ang ibig sabihin ng kagigising mo lang, tapos pumunta ka sa kusina, sumilip sa bintana at nakakita ng higante ay mahaharap ka sa isang malaking problema. Gayunman, para malutas ito, kakailanganin ang iyong oras at panahon.
Ang malaking puno ng mangga ay nangangahulugan na hindi ka dapat sumuko, gaanuman katindi ng problema sa dahilang sa bandang huli ay magtatagumpay, yayaman at uunlad ka sa buhay.
Samantala, ang lumuwag ang garter ng pajama mo at halos mahubo na ito dahil sa takot mo ay nagbababala na masasangkot ka sa isang gulo. Gayundin, magiging dahilan ito upang hindi mo makamit ang iyong minimithi, kumbaga, mabibigo ka sa gusto mong isakatuparan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments