Babala na kailangan mag-ingat at talasan ang pakiramdam
- BULGAR
- Aug 25, 2023
- 1 min read
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | August 25, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jess ng Bataan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na naisipan kong gumawa ng wine, at naghanap ako ng bote na pupuwede kong paglagyan nito.
Tamang-tama, dahil may nakita akong mga bote na walang laman. Ginamit ko ito at isinalin ko rito ang wine na ginawa ko. Uminom akong mag-isa hanggang sa maubos ko ang isang bote.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jess
Sa iyo, Jess,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naisipan mong gumawa ng wine, ay may darating na isa sa mga kaibigan mo na matagal mo nang hindi nakikita. Magiging masaya ang inyong pagkikita at may maganda siyang ibabalita sa iyo. Labis ang iyong kasiyahan sa sandaling malaman mo ang magandang balitang ibabahagi niya sa iyo.
Ang naghanap ka ng mga bote para paglagyan ng ginawa mong alak, at may nakita ka, ay paalala na dapat kang mag-ingat sa iyong mga kaaway, dahil may masama silang binabalak laban sa iyo.
Samantala, ang sinalin mo sa bote ang wine na iyong ginawa, ito ay nagpapahiwatig na liligaya at magtatagumpay ka sa darating na panahon.
Ang uminom ka, at naubos mo ang isang bote, ito ay babala na dapat mong ingatan ang iyong kilos at pananalita upang hindi ka madamay sa gulong kinasangkutan ng mga kaibigan mo. Talasan mo ang iyong pakiramdam at layuan mo ang mga kaibigan mo na sa iyong palagay ay walang mabuting idudulot sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments