Babala na ‘di magiging successful ang pag-a-abroad
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | May 29, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Janica ng Taal Batangas.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na naglalakad ako habang nakapaa. Bumili ako ng sapatos sa pinakamalapit na store na nadaan ko. Sinuot ko agad ito at nagpatuloy sa paglalakad, ngunit natapilok ako at nasira itong muli.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Janica
Sa iyo, Janica,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na naglalakad ka ngunit nakapaa ka, ito ay komportableng pamumuhay. Magkakamit ka ng karangalan sa inyong lugar, at mananatiling maayos, payapa at maganda ang iyong pamumuhay. Ang bumili ka ng bagong sapatos sa pinakamalapit na tindahan ay nangangahulugan ng paglalakbay.
Makakapag-a-abroad ka at makikipagsapalaran sa malayong lugar.
Samantala, ang ibig sabihin ng natapilok, at nasira ang suot mong sapatos ay hindi magiging successful ang pag-a-abroad mo. Makakaranas ka roon ng mga sagabal sa minimithi mong tagumpay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna





Comments