top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Babaeng todo-asa sa forever, ngayon taon matatagpuan si Mr. Aquarius

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 7, 2023
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | November 7, 2023


Dear Maestro,

Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung tunay nga bang may forever? I mean, totoo bang may tunay at wagas na pag-ibig? Hindi ko pa kasi ito nararanasan, gayung mabait at mapagmahal naman akong tao.


Naranasan ko na magmahal pero lagi pa rin akong naloloko at iniiwan ng mga nagiging boyfriend ko. Kung totoong may tunay at wagas na pag-ibig, kailan kaya ito darating sa aking buhay? Ang birthday ko ay October 12, 1995.


Umaasa,

Jonalyn ng Gumaok East, SJDM, Bulacan


Dear Jonalyn,


Sabi nga nila, “walang forever.” At ito ang nagiging dahilan kung bakit may mga taong nasasaktan, nabibigo at lumuluha. Kahit na ‘yung mga lolo’t lola natin na tapat na nag-iibigan at nagmamahalan, dumarating din sa panahong sila’y nagkakahiwalay, dahil tiyak paglipas ng maraming taon kapag amoy lupa na sila, kusa rin silang paghihiwalayin ng kamatayan.


Kaya lang, ang maganda sa kasaysayan ng mga matatanda na umibig ng tapat at dalisay, bago sila paghiwalayin ng tadhana, matandang-matanda na sila, ‘yun bang mayroon na silang mga apo sa tuhod.


May totoo at wagas na pag-ibig talaga, pero bihira lang ang mga pinagpapala ng tadhana. Ang mas madalas at pangkaraniwang nangyayari at nagaganap, ay ‘yung sa sandaling nagmamahalan at nag-iibigan na ang magkasintahan, at matapos ang maikling relasyon, nauuwi rin ito sa hiwalayan, at kapag dumating ang ganitong senaryo, para maibsan kahit paano ang sakit at kalungkutan na ating nadarama sa kasalukuyang panahon, binibigkas na lang nila ang mahiwagang salita na “walang forever!”


Sa dagdag pang paliwanag, tulad ng nasabi na, Jonalyn, mayroon naman talagang tunay at dalisay na pag-ibig, pero ang masakit na katotohanan - ang tao ang hindi dalisay, at tayo mismo ang mga mapagkunwari.


Tama, tunay ngang ang pag-ibig ay maganda, tapat, wagas, at dalisay, ngunit dahil sa pagiging makasarili natin, ‘yung kahulugan ng salitang “pag-ibig” ay pumapangit at nabababoy tuloy.


Subalit, kung ang tao ay magiging tapat at totoo lang sa kanilang sarili, tiyak makakatagpo rin tayo ng tapat na pag-ibig. Ganu’n ‘yun! Kaya para makatagpo ka ng isang tapat at tunay na pag-ibig dito sa mundo ng kaplastikan, kailangan mo munang matagpuan ang isang tapat at tunay na lalaki.


At kusa mong matatagpuan ang lalaking ito, kung magiging tapat at tunay ka rin sa iyong sarili.


Tandaan mo, lahat ng relasyon ay maganda, ang mga taong nakikipagrelasyon lang ang pangit, kung kaya’t hindi nagiging successful at hindi nagiging panghabambuhay ang pag-ibig.


Habang ayon sa iyong Love Calendar, Jonalyn, sa taon ding ito ng 2023, habang papalapit ang Kapaskuhan sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre, sa edad mong 28 pataas, magwawakas na rin ang mga kabiguang iyong nararanasan, dala ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius - tulad ng iyong inaasahan, iibigin ka niya ng tapat at ang nasabing relasyon ay tuluyan na ring hahantong sa isang wagas at panghabambuhay na pagmamahalan


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page