top of page

Azkals, 2-1 ang panalo vs. Afghanistan sa FIFA Friendly

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 14, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 14, 2023


ree

Nagtala ng makapigil-hiningang 2-1 tagumpay ang Philippine Men’s Football National Team laban sa bisitang Afghanistan, 2-1, sa kanilang FIFA Friendly Martes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Mga goal mula kay Sebastian Rasmussen at Christian Rontini ang susi upang manalo muli ang Azkals sa kanilang tahanan.


Kontrolado ng Azkals ang first half subalit hindi nila mahanap ang goal at nagtapos ito sa 0-0. Napatahamik ang 2,157 tagahanga nang ipinasok ng reserbang si Omid Poplazay ang goal ng Afghanistan sa ika-64 minuto.


Bago ang goal, ipinasok ni Rasmussen sa ika-55 minuto at wala pang 20 minuto ng aksiyon ay nakuha niya ang bola at mag-isa niyang tinakbo ito mula sa gitna.


Sinalubong siya ng depensa ngunit inararo lang niya ito at sinipa ang bola gamit ang kaliwang paa para itabla sa 1-1 ang umiinit na laro sa ika-74 minuto.


Biglang ginanahan ang Azkals at inihatid ni Rontini ang tuluyang nagpapanalong goal sa ika-81 minuto. Galing sa eksaktong pasa, tumalon si Rontini at inulo ang bola na tumalbog ng isang beses sa harap ni goalkeeper Faisal Ahmad Hamidi bago ito pumasok.


Nagdagdag ng 5 minuto sa orasan at kumapit ng todo ang Azkals. Nakatikim na rin ng kanyang unang panalo si goalkeeper Neil Etheridge ngayong taon matapos dumaan sa isang tabla at tatlong talo.


Dadalhin na ng Azkals ang bagong bangis sa susunod nilang mga Friendly sa Oktubre.


Ginagamit nila ito para sa kanilang paghahanda para sa 2026 FIFA World Cup Qualifiers na magbubukas sa Nobyembre laban sa Iraq, Vietnam at sa magwawagi sa playoff ng Brunei at Indonesia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page