Atty. Gadon, dapat gampanan ang responsibilidad at ‘wag pagmumurahin ang mahihirap
ni Ryan Sison @Boses | June 28, 2023
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang abogadong si Lorenzo "Larry" Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ang appointment ni Gadon ay sumasalamin sa pangako ng gobyerno na tugunan ang isa sa mga pinakamabigat na hamon na kinakaharap ng bansa.
Samantala, si Gadon, na tumakbong senador sa ilalim ng UniTeam ni Marcos noong 2022, ay nakatakdang makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno, non-government organizations, at iba pang stakeholder upang magdisenyo at magpatupad ng mga comprehensive programs para matugunan ang ugat ng kahirapan.
Ang kontrobersyal na no-nonsense lawyer, na nakakuha ng kanyang Bachelor of Science in Management at kanyang law degree mula sa Far Eastern University (FEU), ay kilala sa kanyang legal na kadalubhasaan at malawak na karanasan sa iba’t ibang industriya.
Kilalang malapit si Gadon kay Marcos, nanghingi pa ito ng video message mula sa Pangulo para sa kaarawan nito noong Marso 1, na nagpapahiwatig na maaaring mapasama ang abogado sa kanyang administrasyon.
Sa pangyayaring ito, tila hindi na sineseryoso ng Pangulo ang pagtatalaga ng mga opisyal sa kanyang administrasyon dahil batid natin na nasuspinde si Gadon dahil sa kanyang ginawang verbal assault sa isang journalist.
Marami pang iba na mas karapat-dapat sa posisyon subalit ibinigay niya ito kay Gadon, at hindi magandang tingnan kung ang mga itinatalaga niya ay may mga bahid ng kasinungalingan at kabastusan.
Isa lang naman ang solusyon sa kahirapan sa bansa, huwag mangurakot ang mga opisyal. Korupsiyon talaga ang rason kung bakit tayo naghihirap.
Sana, magampanan ni Gadon ang malaking responsibilidad na iniatang sa kanya dahil ang kahirapan ang totoong problema ng lahat ng administrasyon.
Hiling natin na sa pagkatalaga sa kanya ay masugpo na ang kahirapan sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments