Asistio, kinasuhan sa ‘ghost projects’
- BULGAR

- 10 hours ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | May 22, 2026

Photo: Rey Malonzo at Dean Asistio - Gigi Malonzo - FB
Nagsampa ng kasong graft at malversation sa Office of the Ombudsman si dating Caloocan City Mayor Rey Malonzo laban kay Caloocan 3rd District Rep. Dean Asistio kaugnay sa mga umano’y maanomalyang proyekto sa Lungsod.
Isa sa mga binanggit ang umano’y P6.7 milyong road at drainage rehabilitation project sa Carmelite Village sa Brgy. 187 na sinasabing walang aktuwal na bakas ng konstruksyon.
Kasama rin sa reklamong inihain ang umano’y P19.2M flood control structure sa Brgy. 187, na hindi umano naitayo at sinasabing gumamit ng in-edit na mga larawan bilang dokumentasyon.
Kinuwestiyon din ang P11.7M road construction project sa Brgy. 159 na umano’y gumamit ng ‘di ugnay na mga larawan upang pagtakpan ang kawalan ng aktuwal na konstruksyon.
Tinukoy din ang isang P2.9M building project sa Brgy. 177 na umano’y maling ipinakita bilang bagong tayong covered court kahit minor renovation lamang ito ng opisina ng homeowners’ association.
Inakusahan din ang mga respondent ng umano’y “location fraud” kaugnay ng isang P19.2M proyekto sa Rivera Bukid.
Ayon sa reklamo, mga larawan umano mula sa Brgy. 159 ang ginamit upang palabasing may proyekto sa Brgy. 163.
Kabilang din sa inirereklamo ang dalawang umano’y overpriced projects sa Brgy. 187 — isang P9.6M day care center project na sinasabing nauwi lamang sa mababaw na renovation, at isang P9.7M covered court rehabilitation project na umano’y halos ginastos lamang sa pagpapalit ng wala pang 25 piraso ng yero na tinatayang nagkakahalaga lamang ng P150,000.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Asistio kaugnay ng mga alegasyon.





Comments