Asian Games: Wong, bibida sa kampanya sa Wushu; ibang kakampi sabak na rin

by Gerard Arce @Sports News | September 19, 2026

Photo: Agatha Wong / POC
Bitbit ni Agatha Chrystenzen Wong ang panibagong responsibilidad na nakasalalay sa kanyang mga braso na isa sa mga inaasahang mag-aambag ng medalya sa bansa sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games kasunod ng nakuhang medalya sa 2018 edisyon sa Jakarta-Palembang.
Isa sa mga tinitingnang pinakamahusay na pambato ng bansa sa larangan ng wushu, determinado ang six-time Southeast Asian Games gold medalist na makakapagbigay ng medalya para sa Pambansang koponan sa women’s taijiquan at taijijian events na gaganapin sa Aichi Prefectural Martial Arts Hall.
Nag-uwi ng tansong medalya sa naturang event sa Indonesian meet ang 28-anyos na medical student-athlete, na aminadong hindi magiging madali ang kanyang kakaharaping pagsubok at laban sa partisipasyong suportado ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission.
Nakaharang sa dadaanan patungo sa target na gintong medalya sina defending Asian Games champion Tong Xin of China, gayundin sina Basma Lachkar ng Brunei, na Hangzhou Asian silver medalist, at crowd-favorite Shiho Saito ng Japan.
“My goal is simple. I just want to stand on that podium again,” wika ni Wong, na kakaharapin din ang mabigat na mga katunggali mula sa Singapore, Hong Kong, Taipei, Nepal, Malaysia, Thailand, at Pakistan.
“I’ve worked for years to refine every movement, every transition. This is the moment I’ve been preparing for.” Bitbit ng UERM medical student-athlete ang kanyang nakopong mga medalya sa pandaigdigang kumpetisyon sa pagkuha ng third-place finish sa 2016 World Cup in Fuzhou, na sinundan ng silver medal sa 2023 World Championships sa Fort Worth, Texas, at panibagong bronze medal sa 2025 World Championships sa Brasilia, Brazil. “There were days I felt overwhelmed, juggling classes and training,” saad ni Wong.
“But those difficult days also reminded me why I love this sport. They pushed me to stay focused and fight for this chance.” Ilan din sa mga inaabangang magpapamalas para sa national team sina Filipinos Sandrex Gainsan at Mark Anthony Polo na sasabak sa men’s changquan final, habang masisilayan rin ang pagsampa sa bakbakan nina Jenifer Kilapio kontra Tharisa Dea Florentina ng Indonesia sa women’s sanda 52kg quarterfinals.





Comments