ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 23, 2022
Matapos ang tatlong taong paghinintay ay gaganapin ang ikalawang edisyon ng FIBA 3x3 Asia-Pacific Super Quest ngayong Abril 30 at Mayo 1 sa Solenad ng Santa Rosa City, Laguna. Isang dosenang koponan mula sa lahat ng sulok ng kontinente ang aasahan na lalahok sa unang yugto ng serye ng mga malaking pandaigdigang palaro ngayong taon sa Pilipinas.
Ilan sa mga maagang nagpahayag ng kanilang paglahok ay dalawang koponan mula sa Mongolia na Zaisan MMC Energy at Sansar MMC Energy at Tangerang ng Indonesia. Ang Mongolia ang numero unong bansa sa Asya sa 3x3, habang ang Tangerang ay kagagaling lang sa kampeonato sa ASEAN Basketball League International Champions Cup noong nakaraang linggo sa Bali, Indonesia gamit ang pangalang Indonesia Warriors A.
Tulad sa unang Super Quest, maaaring magpadala ng hanggang dalawang kinatawan ang Pilipinas. Napipisil na isa sa mga ito ang Cebu Chooks na kinabibilangan ng numero unong manlalarong Pinoy na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Mike Harry Nzeusseu at Brandon Ramirez.
Ayon kay Ronald Mascarinas ng Chooks To Go Pilipinas 3x3, bilang isang global partner ng FIBA ay hindi lang layunin nila na pataasin ang antas ng 3x3 sa bansa kundi pati na rin sa Timog-Silangang Asya. Dahil dito, inaasahan na sasali ang iba pang bansa na naghahanda para sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa Mayo.
Maliban sa gantimpalang $10,000 (P523,850) para sa kampeon at $5,000 (P261,925) para sa pangalawa, bibigyan din sila ng tiket patungo sa World Tour Manila Masters na nakatakda para sa Mayo 28 at 29. Kumpirmado na ang paglahok sa Manila Masters ng Liman Huishan NE at Ub Huishan NE ng Serbia at Antwerp ng Belgium na siyang kasalukuyang Top Three koponan sa FIBA 3x3 World Ranking at ang pausbong na Warsaw Lotto ng Poland.
Comments