top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

April-May school break, hirit na ibalik

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 13, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 13, 2023


Iminungkahi ng isang grupo ng mga guro ang pagsasagawa o adoption ng 185 araw ng klase taun-taon upang unti-unting bumalik ang school break sa Abril at Mayo, matapos ang limang taon.


Sa pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), ito ay magpapahintulot sa bawat school year na matapos ng dalawa hanggang tatlong linggong mas maaga kaysa sa karaniwang iskedyul habang kalaunan ay maibabalik na ang summer school break.


Ayon kay ACT chairperson Vladimer Quetua, ang Abril at Mayo na school break ang pinakaangkop sa ating bansa dahil ang pinakamainit na buwan na ito ng taon ay hindi nakakatulong sa pag-aaral ng mga estudyante, lalo na’t hindi sapat, masikip at hindi airconditioned na mga silid-aralan.


Ito rin aniya, ang peak months para sa agricultural harvest, kung saan karamihan sa mga mag-aaral sa rural na lugar ay sumasali.


Paliwanag pa ni Quetua, hindi nila kayang manatili sa kasalukuyang iskedyul na mayroon sa ngayon dahil ito ay nakakaapekto sa kalusugan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral. Aniya, dahil dito, negatibong nakakaapekto pati na rin sa mga resulta ng pag-aaral ng mga estudyante.


Sinabi ng grupo na ang panukala ay batay sa polisiya ng Department of Education (DepEd) hinggil sa 180 araw na non-negotiable contact time sa pagitan ng mga guro at mga mag-aaral, at limang araw ng teachers’ in-service training (INSET) at learners’ school break sa kalagitnaan ng school year.


Nauna nang iginiit ni DepEd spokesperson Michael Poa na walang plano ang ahensya na ibalik sa Abril at Mayo ang summer vacation.


Subalit, inihayag ni Poa na pinagtutuunan na nila ng pansin ang mga mungkahi at pinag-aaralan ang naturang usapin dahil marami na rin ang mga panawagan para ibalik ang April-May school break ng mga estudyante.


Tulad ng suhestiyon ng mga guro, mas makabubuti siguro na muling ibalik ang bakasyon ng mga estudyante sa panahon ng tag-init na magiging malaking tulong sa kanilang kalusugan at pag-aaral.


Matatandaang noong nakaraang linggo, sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na mayroong 118 incident reports ng heat exhaustion na nai-record sa gitna ng warm and dry season. Nasa 85 cases ng mga estudyante ay mula sa isang national high school sa Cabuyao, Laguna habang 33 indibidwal mula sa apat na high school sa Valenzuela ang nakaranas ng heat exhaustion.


Maliit man ang bilang ng naitalang insidente, huwag sanang balewalain ng kinauukulan ang mga reports na ito at agad nilang desisyunan ang mas makabubuti para sa mga estudyante at mga guro.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page