Aplikante, ipapasok kuno sa PNP kapalit ng P250K... 2 pulis, 3 pa arestado sa extortion

by Jeff Tumbado @News | September 15, 2026

Photo: Philippine National Police
Limang katao, kabilang ang dalawang aktibong pulis, ang inaresto sa magkakahiwalay na operasyon kaugnay ng umano’y pangingikil sa isang aplikante ng Philippine National Police (PNP) kapalit ng pangakong maipasok ito sa serbisyo.
Isinagawa ang mga operasyon noong Setyembre 12 matapos magsumbong ang isang 29-anyos na PNP applicant hinggil sa grupong umano’y humihingi ng P250,000, na kalauna’y ibinaba sa P150,000, kapalit ng tulong sa kanyang admission sa PNP.
Sa entrapment operation sa Brgy. San Nicolas, City of San Fernando, Pampanga, tatlong sibilyan na edad 59, 55 at 62 ang naaresto matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa complainant. Narekober ang P1,000 genuine marked money, P50,000 boodle money, mga cellphone, government-issued IDs, isang sling bag at isang Honda Mobilio.
Sa follow-up investigation, natukoy ang posibleng pagkakasangkot ng dalawang aktibong pulis. Naaresto sa Quezon City ang isang police lieutenant na Team Leader ng Basilan Provincial Cyber Response Team ng Anti-Cybercrime Group.
Nahuli rin ang isang patrolman ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng Zambales Police Provincial Office matapos umanong matukoy na nakatakda siyang tumanggap ng bahagi ng perang makokolekta sa transaksyon. Sa follow-up operation, narekober ang P1,000 genuine marked money, P9,000 boodle money at isang cellphone.
Ayon sa PNP, nagsimula ang intelligence gathering at surveillance matapos iulat ng complainant ang umano’y recruitment-extortion scheme noong Setyembre 7.





Comments