Apex, tiyak na sa top spot, CEU, pinalubog ang Marinero
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 2, 2022

Sigurado na ang Apex Fuel-San Sebastian na magtatapos na numero uno sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup elimination round matapos patahimikin ang Wangs Basketball-Letran, 70-64, sa tampok na laro kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Patuloy din ang pagragasa ng Centro Escolar University at pinalubog ang Marinerong Pilipino, 84-77, upang pumantay ang dalawang koponan sa kartadang 4-3.
Sa first quarter lang nakasabay ang Knights at mula roon ay ang Apex Fuel na ang nagdikta ng timpla ng laro. Lumayo ng 16 ang Stags, 32-16, sa shoot ni James Una at mula roon ay inalagaan nila ng mabuti ang lamang.
Namuno sa atake ng Apex Fuel si Rommel Calahat na nagtala ng 18 puntos at sinundan ng reserbang si Rafael Are na may 12 puntos. Sinikap ni Fran Yu na maahon ang Knights sa kanyang 18 puntos subalit kinapos ang suporta ng kakampi.
Umakyat ang Stags sa 5-1 panalo-talo at kahit matalo sa huli nilang laro ngayong araw kontra sa Adalem Construction-St. Clare College (3-3), pasok pa rin sa bisa ng kanilang 73-51 tagumpay sa humahabol at pumapangalawang EcoOil-De La Salle (4-2) noong Hulyo 21. Maghaharap ang Stags at Saints sa 11:00 umaga habang magkikita ang Green Archers at kulelat na AMA Online Education (0-6) sa 3:00 ng hapon.
Mahalaga din para sa Knights (3-3) ang kanilang laro sa Builders Warehouse-UST sa 1:00 ng hapon dahil maaaring sila pa ang mahulog sa playoffs kung matalo ng malaki sa umiinit na Tigers (2-4) na panalo sa kanilang huling dalawang laro. Makakatulong sa Adalem Construction at makakaiwas sila sa mga komplikasyon kung puputulin nila ang ngayon ay limang sunod-sunod na tagumpay ng Apex Fuel.





Comments