Apex-Stags haharap sa Marinero, DLSU vs. Adalem-St.Clare sa semis
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 12, 2022

Patutunayan ng Apex Fuel-San Sebastian na hindi tsamba ang kanilang pagiging numero uno papasok sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup semis ngayong araw laban sa Marinerong Pilipino sa Araneta Coliseum simula ng 9 a.m. Susundan ito agad ng pangalawang seryeng best-of-three sa pagitan ng EcoOil-De La Salle at Adalem Construction-St. Clare College ng 11 a.m.
Tiyak na hindi nalimutan ng Apex Fuel ang kanilang 74-86 na pagkabigo sa Skippers sa kanilang pinakaunang laro sa torneo noong Hulyo 9. Nagising ang Stags at ipinanalo ang kanilang limang sumunod na laban upang makamit ang pagiging numero uno kahit natalo sila sa huling laro kontra Adalem Construction para sa kartadang 5-2 panalo-talo.
Sasandal muli ang Stags sa beteranong gwardiya Camillus Altamirano at James Una habang maganda ang nilalaro sa mga nakaraang araw nina Romel Calahat, Rafael Are at Rhinwil Yambing. Tinapos ng Apex Fuel ang elimination na may pinakamahigpit na depensa at hanggang 68.4 puntos lang ang ginagawa ng kanilang mga kalaro.
Tututukan ngayon ng depensa sina Juan Gomez de Liano at Jollo Go, ang dalawang pinakamatalas na shooter sa torneo na gumagawa ng pinagsamang 37 puntos bawat laro. Alam ng Skippers na hindi kaya ng dalawa na sila lang ang pupuntos at mahalaga na umangat at tumulong ang mga tulad nina Arvin Gamboa, Adrian Clarence Nocum at Warren Bonifacio.
Ang pangalawang laro ng mga serye ay nakatakda para sa Linggo at kung kakailanganin, ang Game 3 ay sa darating na Miyerkules – lahat sa Araneta Coliseum. Ang finals ay best-of-three din at isasabay sa mga petsa at lugar ng kasalukuyang PBA Philippine Cup.
Mga laro ngayong Biyernes – Araneta Coliseum 9:00 AM Marinerong Pilipino vs. Apex Fuel-San Sebastian 11:00 AM EcoOil-DLSU vs. Adalem Construction-St. Clare





Comments