Apektado ang Pinoy sa pagkuha ng ibang imports sa B.League

by Anthony Servinio @Sports News | September 9, 2026

Photo: B.LEAGUE - Japan Professional Basketball League
Laro ngayong Huwebes - MOA
7 PM Hokkaido vs. Gunma
Malaki ang naging ambag ng mga Filipino sa nakamanghang pag-usbong ng Japan B.League sa nakalipas na 10 taon. Dahil sa mga kababayan, napalapit ang liga sa isa sa pinakamalaking merkado ng laro sa Asya. Palabas sa telebisyon at internet ang mga laro.
Lalong umiinit pagsapit ng finals kung saan nagdaraos ng mga espesyal na selebrasyon ang B.League sa mga mall. Maaaring kumuha ng isang manlalarong Asyano ang mga koponan bilang import.
Noong una ay ang Pilipinas, Tsina at Timog Korea ang mga pinagkukuhanan ng mga koponan subalit sa mga nakaraang taon ay binago ang patakaran at pinayagang kumuha mula sa mga ibang bansa tulad ng Lebanon, Indonesia, Chinese Taipei at iba pa.
Sa 2026-27 torneo na magbubukas sa Setyembre 22, may pinagsamang 11 Pinoy sa Division I at II. Ito ay sina Dwight Ramos, AJ Edu, Kiefer at Thirdy Ravena, Ray Parks, Quintin Millora-Brown, Francis Lopez, Mike Phillips, Roosevelt Adams, Jamie Malonzo at Matthew Wright.
Maaaring isama sa listahan si Matthew Aquino subalit nakalista siya bilang lokal dahil may lahing Hapon ang pamilya ng kanyang nanay. Naglaro noong nakaraang taon pero wala pang koponan sa ngayon si Kai Sotto.
Masasabi na ang pagdami ng mga bansang maaaring kuhanan ng import ay nakaapekto sa pag-asa ng mga Pinoy na makakuha ng trabaho kung saan ang bayad ay napakalayo ng agwat kung nanatili sila sa Pilipinas.
Subalit may ilan na pumulot lang ng karanasan at umuwi rin tulad nina RJ Abarrientos, Justine Baltazar at Javi Gomez de Liano.
Sa kasamaang palad, ang kalendaryo ng B.League ang itinuturong dahilan kung bakit ang ilang mga kasapi ng Gilas Pilipinas lalo na sina Ramos at Edu ay hindi makakalahok sa Aichi-Nagoya Asian Games na nagkataon ay sa Japan din gaganapin.
Sa gitna nito, magiging tagahanga muna ang dalawa at sasamahan ang milyon na sumusuporta sa pambansang koponan sa layuning maidepensa ang gintong medalya.





Comments