Anumang lahi basta nasa ‘Pinas, dapat sumunod sa health protocols, period!

@Editorial | January 30, 2021
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, hindi naman puwedeng labis na maapektuhan ang takbo ng ekonomiya ng bansa.
Kaya ang ginagawa ng ating gobyerno, nagpapatupad ng mas mahihigpit na panuntunan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, habang tuloy ang negosyo, kabuhayan.
Tulad ng usapin sa mga dayuhang pumapasok sa bansa. Kung saan, mula sa February 1, may panibagong quarantine protocols na para sa kanila.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay bunsod ng panibagong polisiya ng Inter-Agency Task Force.
Kinakailangang magpakita ang mga paparating na foreign nationals ng valid at existing visa sa pagpasok sa bansa maliban na lamang ang mga kuwalipikado sa Balikbayan Program na nasa ilalim ng Republic Act Numbmer 6768 o The Act Instituting the Balikbayan Program.
Inoobliga na rin ang mga foreign nationals na magkaroon ng pre-booked accommodation ng hindi bababa sa pitong araw mula sa mga accredited na quarantine hotel o facility.
Gagawin na ang swab test sa ikaanim na araw mula pagdating sa bansa.
Talagang lahat ng puwedeng pag-iingat ay dapat nating gawin lalo na at nagpositibo na rin tayo sa bagong variant ng COVID-19.
Sa ngayon, lahat ay dapat na mas habaan pa ang pasensiya sa mga panuntunan, palaging sundin ang mga ito at bago magreklamo, unawain muna ang sitwasyon.
Pinoy o anumang lahi, bawal pasaway.
Itong mga health protocols ay hindi lang naman basta ipinatutupad, ito ay pinag-aaralan at tinitingnan ang mga posibleng kahinatnan.
Ang obligasyon naman natin bilang mamamayan o nasa ‘Pinas, sundin ang mga ito. Kung may nakikitang mali o kakulangan, malaya tayong magsalita lalo na’t para naman ito sa kapakanan ng lahat.



Comments