top of page

Anti-political dynasty at anti-pork barrel, dapat maging presidente sa 2028

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2024
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 22, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG RATING SA SURVEY ANG PAGBABASEHAN MAS NAHUHUSAYAN AT MAY TIWALA ANG MAJORITY PINOY KAY VP SARA KAYSA PBBM -- Sa latest survey ng Pulse Asia patungkol sa performance and trust rating ng presidente at bise presidente, tumaas ang rating ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na mula sa dating 67% nitong nakalipas na Marso 2024, ay umangat ito at naging 69% last month (June 2024), at sa kabilang banda bumagsak naman ang rating ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mula sa dating 57% nitong nakalipas na March 2024, ay mas lumagapak pa ito sa rating na 52%.


Isa lang ang ibig sabihin ng rating na iyan, na mas nahuhusayan at mas may tiwala ang majority Pinoy kay VP Sara kaysa kay PBBM, period!


XXX


WALANG IBANG DAPAT SISIHIN SA PAGHIHIRAP NG MGA PINOY KUNDI ANG 31 M BUMOTO KAY BBM -- Sa latest survey naman ng SWS patungkol sa pamumuhay ng mga Pinoy sa Pilipinas, 58% o majority ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay nakakaranas ng hirap sa ilalim ng administrasyong Marcos.


Wala namang ibang dapat sisihin sa nangyayari ngayon sa pamumuhay ng mga kababayang nakakaranas ng hirap ngayon kundi ang 31 milyong botante na bumoto kay PBBM kasi naniwala sila sa mga boladas ng Pangulo at mga Marcos fake news vlogger sa panahon ng presidential campaign period noon na babangon ang ‘Pinas at giginhawa ang pamumuhay ng mga Pinoy kapag siya (PBBM) ang naging presidente, boom!


XXX


PAHIRAP NA BAGONG PILIPINAS -- Ang buod pala ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos ngayong araw na ito ay, “Dumating na ang Bagong Pilipinas.”


Sana, iyang “Bagong Pilipinas” ng Marcos administration ay dinagdagan ng “pahirap”, at ginawa itong “Pahirap na Bagong Pilipinas” kasi sa totoo lang, base sa survey ng SWS ay parami nang parami ang mga pamilyang naghihirap ngayon, tsk!


XXX


ANG DAPAT MAGING NEXT PRESIDENT, WALANG POLITICAL DYNASTY AT ANTI-PORK BARREL -- Ang halos 1/4 ng national budget yearly ay sa pork barrel ng mga senador at kongresista napupunta at iyan ang dahilan kung kaya’t parami nang parami ang mga pulitikong nagtatatag ng political dynasty para ang kanilang kapamilya, magka-pork barrel din.


Ang pork barrel at political dynasty ang kabilang sa nagpapahirap sa mamamayan, kaya’t panawagan sa ating mga kababayan, na kahit matagal pa ang 2028 presidential election ay sana suriin nila ang pagkatao ng mga magiging presidential candidates, na kung sino ang mangangakong ipapatigil ang pork barrel at lalansag sa political dynasty, ‘yun ang dapat iluklok sa poder, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page