Search
  • BULGAR

Anti-Child Pornography Act, dapat mas palakasin!

@Editorial | January 11, 2021



Sa gitna ng pandemya at ipinatutupad na community quarantine, nakapanlulumo na patuloy pa rin ang masasamang kaganapan sa paligid.


May mga pinapatay at inaabuso, minsan para bang nagiging normal na raw at nagkakaiba na lang sa tindi ng krimen at mga sangkot.


Nakapagtataka rin na maging ang kabataan na dapat ay nasa loob ng bahay, kasama ang pamilya at nag-aaral ay nasasangkot na rin sa maling gawa.


Kamakailan nang maiulat ang umano’y pagbebenta ng mga estudyante ng mga malalaswang litrato at videos para makalikom daw ng pera na gagastusin naman sa kanilang pag-aaral sa gitna ng pandemya. Kung gaano sila kalantad sa internet, ganundin pala sila nagiging lantad sa prostitusyon — nakakatakot at nakababahala.


Kaugnay nito, ipinapanawagan sa Kongreso na talakayin at aprubahan na ang mga nakabinbin na panukalang batas na naglalayong palakasin ang Republic Act No. 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.


Sa ngayon, sa ilalim ng Section 9 ng R.A. 9775, pinapayagan ang mga internet service providers na mag-install ng software na maaaring humarang nang access at transmittal ng child pornography. Kumbaga, inoobliga ang mga internet service providers na ipagbigay-alam sa mga awtoridad sa loob ng pitong araw, matapos na may matuklasan na internet address na naglalaman ng child pornography.


Gayunman, inirereklamo umano ng mga telecommunication companies na balakid para sa kanilang pag-aksiyon ang naturang probisyon dahil sa hindi naman daw sinasabi rito ang kanilang papel sa pag-monitor at block sa mga user, subscriber o customer na sangkot sa child pornography. Bagay na dapat ngang mabigyan ng linaw.


Isa pa sa inihihirit ang pagbabawal sa mga dayuahn na sangkot sa anumang sex-related offenses na makapasok ng bansa. Sila rin ‘yung madalas na pinagbebentahan ng mga larawan at videos ng mga biktima dito sa atin kapalit ng pera.


Talagang kailangang palakasin ang mga batas na nagpoprotekta sa mga kabataan.


Dapat ding ipaunawa sa kanila na kahit kailan ay hindi rason ang kahirapan para pumasok sa prostitusyon o anumang masamang gawain.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.