top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ano nga ba ang konsensiyang Pilipino?

BULGAR
Sep 25, 2021
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 25, 2021


Noong panahon ni ex-P-GMA, nabuo ang isang programang tinawag na konsensiyang Pilipino. Maganda sana ang pangalan ng programa kung nanatiling hiwalay, malaya o independiyente ito sa pangulo, dahil ganun ang tunay na konsensiya, bukas at masunurin sa kalooban ng Diyos at kritikal sa anumang lumilihis dito.


Sa mga lumabas at nagpahayag na tatakbo silang pangulo o VP, naging mabigat na palaisipan kung sino sa mga ito ang totoong nakinig sa kanilang konsensiya bago magpasya ang mga ito na tumakbo sa pagiging pangulo o VP.


Hindi ganun kadali gamitin o pakinggan ang konsensiya. Mahaba at masalimuot na prosesong ito. Kailangan mong manahimik, magnilay, mag-aral, magdasal, sumangguni at kumilatis kung ano sa mga pagpipilian mo ang pinaka-malapit sa kagustuhan ng Diyos.


Sa puntong ito, ilang araw na lang bago magdeklara ng kandidatura sa pagka-pangulo at VP, nakita’t narinig na natin kung sinu-sino na ang nagpahayag na kakandidato sila sa pagka-pangulo at VP. Ang tanong, sinu-sino kaya sa kanila ang talagang sumangguni, nakinig sa kani-kanilang konsensiya upang alamin at tiyakin ang kalooban ng Diyos? Hindi natin masasagot ang tanong na ito. Tanging sila lamang ang may kakayahan at karapatang sumagot ng tanong ito.


Marami-rami pa ring iboboto ang mga Marcos at sasang-ayon sa rebisyunistang pananaw na kailangang-kailangan ang Martial Law at hindi ito masama at hindi namang totoo na maraming namatay, tinortyur, nawala at kinulong noong panahon ng Martial Law.


Pinagmisa natin noong Miyerkules ang kamamatay lang na si dating DSWD Secretary Dinky Soliman. Kung merong masasabi tungkol kay Dinky, ito ay ang kanyang masaya at bukas-palad na paglilingkod sa maralita. Kahit posisyon o ambisyon ang dahilan ng pagkilos ni Dinky. Wala siyang hinanap at sinikap makuha para sa kanyang sarili.

Maraming beses na kami nagkasama ni Dinky. Mula pa noong 2001 sa kampanya laban kay Erap na nagtapos sa EDSA Dos hanggang 2005 nang dahil sa “Helo Garci” tinalikuran si ex-P-GMA ng sampung miyembro ng kanyang gabinete o ang Hyatt 10. At mula 2016 hanggang ngayon ay walang tigil na nagbantay sa mga anomalya at kalabisan ng kasalukuyang administrasyon.


Noong bata pa lang si Dinky at ito ay magaaral pa lamang sa UP Diliman, madalas itong magpunta sa Bundok Banahaw na nakilala sa mga Santong Boses at pamumuwesto.

Maraming nagpupunta sa banal na bundok upang pakinggan ang mga Santong Boses at dinagdag ko pa na kasama na rito ang boses ni Dinky Soliman, ang boses ng Pilipinong may Konsensiya o ang mangilan-ngilang konsensiya ng mga Pilipino.


Ito ang sinikap ni Dinky gawin sa kanyang buong buhay ng 68-taon: ang mangarap at magsikap para sa kanyang mahal na Inang Bayan at mga kababayan. At sa gitna ng pangangarap at pagsisikap laging pakinggan ang Santong Boses ng Diyos, ng kasaysayan, ng mga inanapi’t pinagsasamantalahan.


Sa gitna ng ingay at kahibangan ng maagang pangangampanya ng mga ambisyosong kandidato, nais nating hanapin ang tahimik, halos pabulong na tinig ng konsensiya. Nais nating maingat na dinggin ang tinig ng naging konsensiya ng Pilipino… Ang halakhak, ang marahan, malinaw at tigib ng karunungang tinig ni Dinky Soliman.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page