Ano ang SSS dependents’ pension?
- BULGAR

- 6 days ago
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | November 16, 2025

Dear SSS,
Magandang araw! Namatay ang aking asawa noong August 2025. May matatanggap bang benepisyo mula sa SSS ang mga menor-de-edad. Salamat. — Celia
Mabuting araw sa iyo, Celia!
Ang benepisyo sa pagkamatay ay ang halagang ibinabayad bilang buwanang pensyon o lump sum amount sa mga legal na benepisyaryo ng namatay na miyembro. Ang mga itinuturing na primary beneficiaries ay ang legal spouse at mga menor-de-edad na anak.
Kung nakapaghulog ang miyembro ng 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng kanyang pagkamatay, ang kanyang primary beneficiaries (legal spouse at minor children) ay makakakuha ng buwanang pensyon ang legal na asawa at dependent’s pension naman ang mga menor-de-edad na anak.
Ang mga menor-de-edad na anak na magiging kuwalipikado sa dependent’s pension:
Lehitimo o illegitimate na anak ng namatay na miyembro;
Wala pang asawa at hindi pa nagtatrabaho;
Wala pang 21 years old o higit sa 21 years old subalit permanently incapacitated at hindi kayang suportahan ang kanilang sarili dahil sa isang congenital o childhood-onset na kapansanan.
Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security of 2018 (Section 12-A), ang dependents’ pension ay katumbas ng P250 o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas. Ipinagkakaloob ito sa limang menor-de-edad na anak, simula sa pinakabata ngunit walang kaukulang pagpapalit o substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na ang bata sa kanyang ika-21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya ay namatay.
Pangkaraniwan, ang pagbabayad ng dependent’s pension ay sa pamamagitan ng nabubuhay na magulang o tagapag-alaga (guardian) na siyang mamamahagi ng pensyon sa mga bata.
Kung ang isang guardian ay itinalaga, ang SSS ay maaaring mangailangan ng mga dokumento na magpapatunay ng guardianship sa mga bata.
Batay sa SSS Circular No. 2022-009, online na ang filing death claim sa pamamagitan ng My.SSS Portal.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.





Comments