top of page

Ano ang maternity benefit ng SSS?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26
  • 3 min read

by Info @Buti na lang may SSS | October 19, 2025



Buti na lang may SSS


Dear SSS,


Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung ano ang SSS maternity benefit. Magkano naman ang benefit na maaari kong makuha para rito? Salamat — Nicole



Mabuting araw sa iyo, Nicole!


Ang SSS Maternity Benefit ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga kababaihang miyembro nito para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa panganganak. 


Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL), 105 araw na ang ibinabayad na maternity leave sa miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery simula Marso 11, 2019. Samantala, binibigyan naman ng 60 araw na bayad na maternity leave ang mga kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP). 

 

Pinapayagan din sa programang ito na i-allocate o ilipat ng babaeng miyembro ang maximum na pitong araw mula sa kanyang 105 days maternity leave sa tatay ng kanyang anak, kasal man sila o hindi gayundin sa kanyang alternate caregiver na kamag-anak o partner na kasamang naninirahan sa iisang bahay. Dagdag pa rito, may option na i-extend ng kababaihang miyembro lalo na ang mga single mother ng karagdagang 15 days na walang bayad ang kanilang maternity leave.  


Paano nga ba maging kuwalipikado sa programang ito? Una, Nicole, ay dapat alamin natin ang semestre ng iyong panganganak. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na kuwarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa kuwarter kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak. 


Kapag alam na natin ang semestre ng iyong panganganak, tingnan ang 12-month period matapos ang semestre at alamin kung may hindi bababa sa tatlong buwanang hulog ka sa iyong records. Kung mayroon kang tatlong hulog (o higit pa) sa loob ng 12-month period na ito, qualified kang makakuha ng maternity benefit.


Halimbawa, ang possible month ng iyong panganganak ay Hunyo 2026. Ang semester of contingency ng iyong panganganak ay mula Enero hanggang Hunyo 2026. Kaya ang 12-month period bago ang semestreng ito ay magsisimula sa Enero hanggang Disyembre 2025, kung saan mayroon ka dapat na hindi bababa sa tatlong monthly SSS contributions.


Ang halaga ng iyong magiging maternity benefit ay nakabatay sa iyong monthly salary credit (MSC). Kaya, kung ikaw ay naghuhulog sa SSS sa mas matataas na salary bracket, mas malaki ang halaga na iyong makukuhang benepisyo.


Ayon sa aming datos noong Setyembre 2025, ang pinakamababang maternity benefit na binabayaran ng SSS ay P3,000. Ang karaniwang halaga o average ay P44,174 at ang pinakamataas naman ay P80,000.  


Dapat palagi mong siguruhin na updated ang iyong kontribusyon sa SSS upang maging kuwalipikado sa maternity benefit program. 


Dagdag pa rito, wala ng limit ang bilang ng pagdadalang-tao na masasakop ng maternity benefit simula noong ipatupad ang EMLL. May prescriptive period of filing naman na sinusunod ang SSS kung saan maaaring i-file ang maternity benefit claims sa loob lamang ng 10 taon mula sa araw ng kanilang panganganak.


Maaari nang i-file ang Maternity Benefit Application online sa pamamagitan ng My.SSS portal na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page