top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Annual medical checkup, libre na sa lahat

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 17, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 17, 2023


Kayamanan na maituturing para sa lahat ng indibidwal ang pagkakaroon ng magandang kalusugan.

Nitong Miyerkules, inaprubahan ng House Committee on Health ang iba’t ibang panukala na makapagbibigay ng libreng annual medical checkup para sa mga Pilipino.

Gayunman, nais ni Marikina Representative Stella Quimbo na ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) ang siyang magpondo ng mga annual medical checkups sa halip na singilin o i-charge ito sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Aniya, kapag nabanggit na ganap na susuporta, na silang bahala sa tinatawag na financing, kailangan na maghinay-hinay dito dahil may mga implikasyon ito sa buhay ng PhilHealth.

Giit ni Quimbo, maaaring ‘ikamatay’ ito ng ahensya kapag binuksan na para sa lahat ng Pinoy ang annual medical checkup.

Suportado naman ng PhilHealth ang naturang bill, subalit may ilang mga suhestiyon sila kaugnay nito gaya ng pagbibigay sa kanila ng flexibility sa kung anu-anong mga tests na kailangang pondohan at tiyakin ang funding para maipatupad ang programa.

Ipinahayag naman ni Dr. Albert Domingo ng PhilHealth na hiniling nila na isama ng Section on Appropriations ang posibleng karagdagang funding dito para epektibo at episyenteng maipatupad ang programa sa pamamagitan ng PhilHealth.

Binigyang-diin din ni Domingo na iniaalok na nila ang kanilang Konsulta Program, kung saan pinapayagan ng kagawaran ang mga checkup consultation para sa mga pasyente na walang gastusin o hindi na maglalabas ng pera.

Sinabi pa ni Domingo na noong Enero 31, 2023, alinsunod sa batas ng UHC, umabot na sa 11.2 milyon Pilipino ang rehistrado sa humigit 1,500 na accredited health Konsulta providers sa buong bansa.

Sakaling maging batas na ang naturang panukala, malaking pakinabang ito sa bawat Pilipino.

Mabibigyan na ng tamang atensyong medikal ang mga mamamayan upang magkaroon ng malakas na pangangatawan at nang sa gayun ay makapagtrabaho rin para sa kanilang pamilya.

Mababawasan na rin ang mga naitatalang indibidwal na maagang namamatay dahil hindi agad nade-detect na may malubha pa lang sakit.

Gayundin, ang mahihirap na mga kababayan natin na walang pampa-checkup ay agad na matitingnan at masusuri na rin ng mga doktor.

Ipagpatuloy sana ng mga kinauukulan ang mga ganitong programa na puno ng pagmamalasakit at pag-aalaga para sa bawat isa. Paalala lang na gamitin sana nila sa ikabubuti ng lahat ang mailalaang pondo para rito.

Isipin natin na ang magandang kalusugan ay yamang hindi mauubos o mawawala.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page