Angkas at Joyride, mistulang kolorum na
ni Ryan Sison @Boses | May 16, 2023
Dumarami ang natatanggap na reklamo ng motorcycle taxi na Angkas at Joyride dahil sa diumano’y overcharging sa mga pasahero.
Napag-alaman na hindi na sinusunod ng ilang rider ng mga naturang ride-hailing app ang fare matrix na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa inilabas na matrix noong Enero 27, 2020 sa Metro Manila, P50 ang bayad para sa unang 2 km, P10 hanggang 7 km, at P15 sa mga para sa mga susunod pang kilometro, habang sa Metro Cebu/Cagayan De Oro, P20 sa unang 2 km; P16 hanggang 8 km at P20 sa mga susunod pang kilometro.
Inulan ng reklamo mula sa mga komyuter ang social media dahil tila naging colorum o habal-habal na umano ang mga motorcycle taxi. Kabilang sa mga reklamo ang hindi paggamit ng app ng mga rider at kinokontrata lamang ang mga pasahero, saka magpapataw ng mataas na singil, na tinatayang 5 hanggang 10 beses na mas mataas kaysa sa fare matrix.
Halimbawa ng isang reklamo, mag-aabang umano ang mga rider sa exit ng mga mall o establisimyento habang nakabukas ang kanilang app, bagama’t nakikita nila kung sino ang nagbu-book, hindi nila tinatanggap ang booking. Ang siste, lalapit sila sa pasahero at mag-aalok ng habal saka maniningil ng mas mahal na pamasahe.
Samantala, umaapela ang grupo ng mga motorcycle taxi riders na protektahan sila at himukin ang iba pang riders na sundin ang fare matrix ng LTFRB upang malaman ng mga ito ang karapat-dapat na singil base sa fare matrix.
Sa totoo lang, nakakadismaya ang mga ganitong gawain dahil marami sa atin ang naghahanap ng paraan para makaiwas sa trapik at mapabilis ang biyahe, ngunit sadyang may mga tao na mananamantala pa para lang kumita.
Para sa mga rider, maging patas kayo dahil tulad ng maraming mamamayan, pare-parehas lang tayong naghahanapbuhay.
Hiling natin sa LTFRB, bantayan ang mga pasaway na rider at bigyan sila ng warning at parusa upang hindi na umulit sa pag-o-overcharge sa mga pasahero.
Tandaan na nar’yan ang mga panuntunan upang sundin at hindi labagin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments