ANGELINE, ITINAGO SA MISTER AT MGA ANAK ANG PAG-AARAL
- BULGAR

- 4 hours ago
- 3 min read
ni Lucille Galon @Showbiz Special | August 13, 2026

Photo: IG _loveangelinequinto
Isang malaking sikreto pala ang itinago ni Angeline Quinto sa halos lahat ng taong nakapaligid sa kanya, kabilang na ang kanyang asawang si Nonrev Daquina, habang tahimik niyang tinatapos ang kanyang college degree sa loob ng halos apat na taon.
Sa interview niya sa Oh My Gan! (OMG!), ikinuwento ni Angeline ang journey niya bilang isang estudyante habang pinagsasabay ang kanyang career, pagiging asawa at ina, at pagbubuntis.
Kamakailan lang ay nagtapos ang singer ng Bachelor of Business Administration, major in Marketing Management, sa Immaculada Concepcion College (ICC).
Ani Angeline, matagal nang pangarap ng kanyang yumaong ina na si Mama Bob na makatapos siya ng pag-aaral. Paulit-ulit umano siyang hinihikayat ng kanyang ina na bumalik sa school bago ito pumanaw noong November, 2020.
“Lagi n’yang sinasabi sa ‘kin, ‘Gie, magtuloy ka ng pag-aaral mo ‘pag kaya ng oras,’” pag-alala ni Angeline sa habilin ng ina.
Maging ang manager niya ay hinilingan umano ni Mama Bob na tulungan siyang makahanap ng school kung saan maaari niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Napabayaan ni Angeline ang kanyang pag-aaral nang maging paraan na niya ng pagkita ng pera ang pagkanta para makatulong sa kanyang ina.
Matapos sumali sa mga amateur singing contests at tuluyang pasukin ang showbiz, naging priority niya ang trabaho.
Pero matapos ang pagpanaw ni Mama Bob, nagdesisyon si Angeline na tuparin ang pangako niya rito.
Bumalik siya sa school noong 2021, kasabay ng taon na nalaman niyang buntis siya sa kanyang panganay na si Sylvio.
Noong 2024 naman, nag-aaral pa rin siya habang buntis sa kanyang anak na si Sylvia at nagtatrabaho sa series na What’s Wrong with Secretary Kim (WWWSK).
Dapat ay nakapagtapos na siya noong nakaraang taon, pero dahil sa ilang incomplete requirements, na-delay ng isang taon ang kanyang graduation.
Ang mas nakakagulat pa rito, halos walang nakakaalam sa kanyang pamilya na bumalik siya sa pag-aaral. Pati ang kanyang mister na si Nonrev ay hindi rin alam ang ginagawa niya.
“‘Di n’ya alam. Kahit si Nonrev, ‘di n’ya alam,” pag-amin ni Angge.
Sa loob ng halos 4 na taon, hinihintay muna ni Angeline na matapos ang kanyang work bago siya mag-aral. Kapag tulog na ang kanyang mga anak at pati na si Nonrev, saka siya pumupunta sa isang kuwarto para gawin ang kanyang schoolwork.
“Pag-uwi ko ng bahay, pagtulog na ang mga bata, at tulog na rin si Nonrev, saka ako babalik. Saka ako pupunta sa isang kuwarto,” kuwento niya.
Kapag tinatanong naman siya ni Nonrev kung ano ang ginagawa niya, sinasabi lang daw niya na nag-aaral siya ng kanta.
“Wait lang, babe, mag-aaral lang ako ng kanta, ha?” ani Angeline.
Tanging ang kanyang manager lamang ang nakakaalam ng kanyang sikreto.
Ipinaliwanag ni Angeline na gusto niyang maging surprise sa kanyang pamilya ang kanyang graduation. Ayaw rin niyang dagdagan ang pressure sa sarili sakaling hindi niya matapos ang kanyang pag-aaral.
Sa kabila ng hirap, nanatiling determined ang singer dahil ang pagtatapos niya ay isang pangakong ginawa niya kay Mama Bob. Naniniwala rin si Angeline na kasama niya ang kanyang ina nang tuluyan niyang makuha ang kanyang diploma.
“Malamang kasama ko talaga ang Mama habang nasa stage ako na tinatanggap ko ‘yung diploma ko,” aniya.
Para kay Angeline, nagsisilbing proof ang kanyang journey na hindi ibig sabihin na kapag isinantabi muna ang isang pangarap ay tuluyan na itong mawawala.
“Minsan may mga pangarap talaga tayo na kailangan natin maisantabi dahil kailangan nating tuparin ‘yung isang pangarap natin. Pero ‘di ibig sabihin nu’n na kakalimutan natin ‘yung isang pangarap natin,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Baka kailangan lang natin bigyan ng time. So ‘pag natupad natin itong isang pangarap natin, puwede nating balikan ‘to anytime.”





Comments