Angel locsin, bina-bash at nire-red-tagged kaya ayaw na tumulong
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 7, 2022
CONFIDENTIAL FUNDS AT PORK BARREL NG MGA TRAPO, KALTASAN DIN NG TAX—Inanunsyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Lilia Guillermo na maniningil o magpapataw na ng tax ang BIR sa mga netizens na online sellers.
Grabe naman 'yan kasi ang liit ng kinikita ng mga online sellers, tapos papatawan pa sila ng tax.
Aba, kung hindi 'yan mapipigilan, sana ay pati ang confidential funds at pork barrel ng mga trapo ay patawan din ng tax.
Sa totoo lang, mas malaki ang malilikom na buwis ng BIR sa confidential funds at pork barrel kaysa sa malilikom nilang buwis sa kinikita ng mga online sellers.
◘◘◘
ANGEL LOCSIN KAYA AYAW TUMULONG, BINA-BASH AT NIRE-RED-TAGGED—Sa tuwing may kalamidad, isa si Angel Locsin sa mga sumasaklolo at namimigay ng relief goods, kaya lang nitong nakalipas na pananalasa ng super typhoon "Paeng" ay napuna ng publiko na hindi siya namigay ng tulong sa mga binagyo.
Isa lang ang nakikita nating dahilan kaya itinigil na ni Angel ang pamimigay ng tulong kasi tumutulong na nga siya, tapos bina-bash pa ng mga loyalists at DDS.
Pero ang matindi, nire-red-tagged pa siya ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict, na naglalagay sa panganib hindi lang sa kanyang buhay, kundi pati sa buhay ng kanyang pamilya.
◘◘◘
FAKE NEWS ANG IKINALAT SA SOCIAL MEDIA NOON NA KAPAG NAGING PANGULO SI BONBONG, HINDI NA MANGUNGUTANG ANG 'PINAS—Ang utang ngayon ng Pilipinas sa mga financial institutions sa mundo ay P13.52 trilyon na at next year ay magiging P16.02 trilyon na 'yan kasi sa P5.2 trilyong national budget na hirit ng Marcos administration para sa 2023 ay mahigit P2.6 trilyon lang ang malilikom na tax sa mga Pinoy at dahil d'yan ay maoobliga si PBBM na mangutang ng P2.5 trilyon, kaya't kapag kinuwenta ang utang na P13.52-T plus P2.5-T, ang total niyan ay P16.02-T.
Ang isyung pag-utang ng Marcos administration ng P2.5-T ay pagpapatunay na fake news lang ang ikinalat sa social media ng mga loyalists at DDS bloggers noong kampanya, na kesyo kapag si Bongbong ang naging pangulo, hindi na mangungutang ang Pilipinas at babayaran din ng Marcos ang lahat ng utang ng 'Pinas.
◘◘◘
DAHIL NAG-'PLEADING NOT GUILTY', MAKALAYA NA KAYA ANG ANAK NI SEC. CRISPIN REMULLA—Nag-"pleading not guilty" ang anak ni Justice Sec. Crispin Remulla na si Juanito Jose Remulla sa kasong illegal drugs na kinasangkutan niya.
Dahil "not guilty" siya, kaya't asahan nang sa mga susunod na araw, ang next na mababalita ay malaya na ang anak ni Sec. Crispin kasi kahit sangkaterbang droga ang nakumpiska sa kanya ay "not guilty" siya sa kasong illegal drugs.





Comments