- BULGAR
Angat ang speech ni P-BBM sa gen assembly ng UN
ni Ka Ambo - @Bistado | September 22, 2022
PERFECT ang talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa general assembly ng UN.
Napakahusay ng kanyang delivery.
◘◘◘
MAS gumanda pa sana kung nahaluan ng kahit ilang pangungusap, na-Tagalog o naka-Ilokano—bilang panghimagas o pang-“break” sa oratoryo.
Maraming Pinoy sa US at sa buong mundo na sumusubaybay sa Pangulo.
◘◘◘
KOMPLETOS-RECADOS ang talumpati at walang duda na natapatan niya, kung hindi man ay nahigitan ang talumpati ng kanyang ama na si Pangulong Marcos, Sr.
Maraming nagsasabi, nabuhay talaga si Marcos.
◘◘◘
SA totoo lang, ang talumpati ni P-BBM ay pang-world leader dahil nakapokus ito sa survival ng sangkatauhan at panghinaharap.
Ipinakikita rin dito ang pag-angat ng mga Pinoy bilang modernong nasyon sa ibabaw ng lupa.
◘◘◘
MALINAW ang mensahe ni P-BBM, indispensable partner ang US ng Pilipinas.
Batay mismo 'yan sa tradisyon at umiiral na kasunduan.
Gayunman, nananatili ang Pilipinas—na walang kaaway at kaibigan ng lahat ng bansa.
◘◘◘
SA likod ng pagdalaw sa US, dapat maging simula ito ng seryoso at masiglang kalakalan ng dalawang bansa.
Mas mainam ay mahimok ni P-BBM ang malawakang industriyalisasyon ng Pilipinas katuwang ang mga US investors.
◘◘◘
KUNG seryoso ang US na tulungan at makipag-partner sa Pilipinas, mabilis tayong makakarekober at uunlad tungo sa tindig ng Vietnam, South Korea, Singapore at Japan.
Maganap sana ito sa termino ni P-BBM.
◘◘◘
MASINOP na naisingit ni P-BBM ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea nang banggitin niya ang “rules-based” na kasunduan sa United National Law of the Sea.
Nilinaw din nito ang pag-iwas ng bansa sa anumang gusot na magiging sanhi ng paghihiwa-hiwalay ng mga bansa.
◘◘◘
PAGKAKAISA, pagtutulungan at kapayapaan ang “kumpas” dapat ng lahat ng lider ng mga bansa.
At kasama d'yan ang umuunlad nang Pilipinas.
◘◘◘
IBINANDO ng Pangulo ang pambihirang pagkakaisa ng Muslim at Kristiyano sa Mindanao sa pagkakabuo ng BangsaMoro Autonomous Region.
Isang markado ito ng wagas na kapayapaan sa Timog ng bansa.